Tuesday, May 13, 2025

PAHAYAG SA MIDYA EDCOM 2 Mayo 14, 2025

Nilagdaan ni PBBM ang makasaysayang ECCD System Act, pinalalakas ang maagang edukasyon at nutrisyon para sa mga batang Pilipino


Pinarangalan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12199, o “The ECCD System Act,” noong Mayo 8, 2025. Ang mahalagang batas na ito ay malaking hakbang sa pagbibigay-prayoridad sa mga unang taon ng pag-unlad ng mga batang Pilipino, na higit pang nagpapalakas sa Early Childhood Care and Development (ECCD) System sa bansa, habang tinutugunan ang mga hamon sa implementasyon ng Early Years Act of 2013 (RA 10410). Isa ito sa mga pangunahing panukala ng EDCOM simula pa noong 2023.


“Isang malaking hakbang pasulong ang batas na ito upang ayusin ang pundasyon ng ating sistemang pang-edukasyon. Kritikal ang mga unang taon ng isang bata. Sa pagbibigay-halaga sa tamang nutrisyon, dekalidad na maagang pag-aalaga, at makabuluhang paglalalaro, binibigyan natin ng pinakamahusay na simula sa buhay ang bawat batang Pilipino, at hinuhubog ang matitibay at may kakayahang lider ng ating bayan,” ani EDCOM 2 Co-Chair Rep. Roman Romulo.


“Sa pamamagitan ng makasaysayang repormang ito, kikilusan natin ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyong ECCD. Palalakasin nito ang pundasyon ng ating mga mag-aaral, na napakahalaga sa pagresolba sa krisis sa edukasyon sa ating bansa,” dagdag naman ni EDCOM 2 Co-Chair Senador Win Gatchalian.


Itinatakda ng bagong batas ang polisiya ng Estado na pangalagaan at itaguyod ang karapatan ng bawat bata sa kabuuang kagalingan, paglaki, at pangangalaga, ayon sa kanilang edad at antas ng pag-unlad. Nangangako itong lumikha ng isang mapag-arugang kapaligiran para sa mga batang may edad zero (0) hanggang walong (8) taon, bilang unang mahalagang yugto ng edukasyonal na pag-unlad.


Ayon sa mga pag-aaral ng EDCOM 2, 15,207 lamang sa 42,027 barangay (36%) sa bansa ang may kahit isang Child Development Center (CDC), sa kabila ng mandato ng RA 6972 noong 1990 na magtatag ng CDCs sa lahat ng barangay. Bilang tugon, inililipat ng batas ang pangunahing responsibilidad ng pagpapatupad ng ECCD sa mga Local Government Units (LGUs). Kabilang dito ang pagtatatag ng ECCD Offices sa bawat lalawigan, lungsod, at bayan, paglikha ng plantilla positions para sa hindi bababa sa isang Child Development Teacher (CDT) at isang Child Development Worker (CDW) sa bawat CDC, pagre-recruit at pagkuha ng tauhan, at pagbibigay ng kinakailangang pasilidad at mga kagamitan.


Itinataguyod din ng RA 12199 ang propesyonalisasyon ng mga CDT at CDW, sa pamamagitan ng pagtakda ng minimum na kwalipikasyon, pagsasanay, pagsusuri, at sertipikasyon. Itinatakda rin ng batas ang pagtaas ng salary grades ng mga CDT at CDW bilang tugon sa natuklasan ng Komisyon na 89% ng mga ito ay nasa non-permanent na posisyon at may karaniwang sahod na humigit-kumulang Php 5,000 kada buwan. Inaatasan ang ECCD Council, katuwang ang CHED at TESDA, na tiyakin ang pagkakaroon ng mga programang pangsanay at pagbibigay ng mga iskolarship.


Ang pondo para sa mga programa ng ECCD ay magmumula sa kombinasyon ng pampubliko at pribadong sektor, na bibigyang-prayoridad ang mga batang wala pang limang taong gulang mula sa mga pamilyang higit na nangangailangan. Tatanggap ang mga LGU ng alokasyon mula sa Local Government Support Fund, kabilang ang line-item allocation para sa pagtatatag ng mga CDC at pagkuha ng mga CDT at CDW.


Pinalalakas din ng batas ang ECCD Council, na ngayo’y nakapailalim na sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Dati itong nakatalaga sa ilalim ng Department of Education. Ang Kalihim ng DILG ay magsisilbing ex-officio Co-Chairperson ng Konseho, kasama ang Kalihim ng DepEd. Bukod dito, lilikha rin ng Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) upang bantayan, suriin, at tasahin ang implementasyon at epekto ng batas.


Inaatasan din ang DILG na isama ang mga ECCD indicators sa Seal of Good Local Governance (SGLG) assessment criteria, partikular sa ilalim ng mga kategoryang social protection and sensitivity program, health compliance and responsiveness, at programs for sustainable education.


“Sa pagpasa ng RA 12199, iniaayon natin ang ating sistemang pang-edukasyon upang harapin ang ugat ng kawalan ng kasanayan sa pagbasa at pagsusulat, sa pamamagitan ng pagsasaayos sa nutrisyon at maagang edukasyon ng mga bata. Malinaw ang mga pag-aaral: kapag namuhunan tayo sa pundasyon ng ating mga anak nang mas maaga, nababawasan ang dropout rate, tumataas ang achievement ng mga mag-aaral, lumalawak ang literacy rate, at tumataas ang kita pagdating ng panahon. ECCD ang pinakamainam na pamumuhunan para sa ating kabataan, at ang pagpirma sa batas na ito ay patunay ng kahalagahan ng edukasyon sa ating bayan,” ani Executive Director Karol Mark Yee.


Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ay ihahanda ng ECCD Council katuwang ang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations sa loob ng siyamnapung (90) araw mula sa bisa ng batas.


Ang ECCD System Act ay isinulat at inakda nina EDCOM 2 Co-Chairpersons Gatchalian at Romulo, kasama si TESDA Secretary Francisco “Kiko” Benitez, na dating Commissioner ng EDCOM 2.

No comments:

Post a Comment