Friday, May 16, 2025

250517 Balita

Mga kandidato ng Lakas-CMD wagi sa 2025 elections: “Tagumpay ito ng tiwala ng tao”- Romualdez



Nanalo ang maraming kandidato ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa katatapos na midterm elections mula Luzon hanggang Mindanao, na lalo umanong nagpatibay sa posisyon nito bilang nangungunang puwersang pampulitika sa bansa.


Batay sa inisyal na ulat mula kay Lakas-CMD Executive Director Anna Capella Velasco, ipinakita ng internal monitoring system ng partido na nanalo ang kanilang mga kandidato sa mga sumusunod na posisyon:


• 1 puwesto sa Senado

• 104 na puwesto sa Mababang Kapulungan

• 15 gobernador

• 22 bise gobernador

• 24 alkalde ng lungsod

• 23 bise alkalde ng lungsod

• 385 alkalde ng bayan


Ayon kay Velasco, patuloy pang kinukumpirma ang resulta mula sa 26 na lugar kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gaya ng Lanao del Sur at Maguindanao del Norte, gayundin sa Region IX (Sulu) at Region X (Lanao del Norte), at inaasahang lalabas ang kompletong listahan sa mga susunod na araw.


Inilarawan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Pangulo ng Lakas-CMD, ang resulta ng halalan bilang isang malinaw na pahayag ng pagtitiwala sa pamumuno at dedikasyon ng partido sa paglilingkod sa publiko.


“This is not just a win for Lakas-CMD. This is a strong signal from the Filipino people: they want steady hands, clear direction, and leadership that puts service above self,” ani Speaker Romualdez.


Bilang isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at Pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), binigyang-diin ni Romualdez na ang mandato ng taumbayan ay hindi dapat basta ipagdiwang, kundi tanggapin nang may kababaang-loob at mas malalim na pananagutan.


“We are being called to do more—to govern better, to listen harder, and to deliver faster. That’s exactly what we intend to do,” wika ng Speaker.


Idinagdag ni Romualdez na ang lakas ng Lakas-CMD ay hindi lamang nakasalalay sa bilang ng kanilang pagkapanalo, kundi sa patuloy na pagtitiwala ng mga mamamayan sa bawat lalawigan, lungsod, at bayan.


“From the northern tip of Luzon to the southern reaches of Mindanao, the message is the same: the people want continuity, they want performance, and they want public servants they can count on,” aniya.


Ayon kay Speaker Romualdez ang tagumpay ng mga kandidato ng Lakas-CMD ay patunay din na nais ng mga Pilipino na matuloy ang mga ginagawa at adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungo sa isang Bagong Pilipinas.


“We are here not just to win elections, but to change lives. This is the strength of a party that stands for unity, development, and real solutions,” pagtatapos ni Romualdez. (END)


@@@@@@@@@@@@@


Pagsama kina De Lima, Diokno sa House prosecution team lalong magpapalakas sa kaso vs VP Duterte – Chairman Adiong


Kumpiyansa si House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation Chairman Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na lalong lalakas ang House prosecution team kung isasama rito sina dating Sen. Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno.


Ayon kay Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader, ang pagkakasama ng dalawang kilalang legal luminaries ay hindi lamang magpapalakas sa legal na kakayahan ng prosecution kundi nagpapakita rin ng determinasyon ng Kamara na panagutin si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment process.


“With the addition of incoming Reps. De Lima and Diokno, we see the convergence of moral clarity and legal precision in our pursuit of conviction. Their presence brings not only valuable expertise but also a profound human rights perspective that elevates the quality of the entire proceeding,” ani Adiong.


Si Diokno, na kumakatawan sa Akbayan Party-list, at si De Lima ng Mamamayang Liberal ay papasok na bilang mga miyembro ng House of Representatives sa ika-20 Kongreso kasunod ng pagkapanalo ng kanilang mga party-list group sa katatapos na 2025 elections.


Ayon kay Adiong, isa sa mga lider ng Young Guns at stalwart ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), ang presensya ni De Lima sa panel ay may malalim na simbolikong at institusyonal na kahulugan, lalo na sa kanyang karanasan bilang dating senador at dating Kalihim ng Katarungan.


“Her inclusion is more than strategic; it is poetic. It tells us that the advance of justice, may be delayed, but never denied,” ani Adiong.


Sinabi ni Adiong na matagal nang isinasabuhay nina De Lima at Diokno ang uri ng pamumunong nakaugat sa batas, at hindi sa takot o kaginhawaang pampulitika.


“Rep. Chel Diokno has spent decades defending rights, educating lawyers and upholding the Constitution. His presence assures the public that this trial is about truth, not theatrics, not power plays,” dagdag pa ni Adiong.


Na-impeach ng House of Representatives si Duterte sa mga kasong betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution. Sentro ng kaso ang umano’y pang-aabuso at maling paggamit ni Duterte sa bahagi ng P612.5 milyong confidential funds noong 2022 at ang kanyang mga pahayag sa telebisyon na tinuturing na banta kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.


Ayon kay Adiong, ang pagpasok nina De Lima at Diokno ay nagbibigay ng mas malalim na katalinuhang legal at moral na katatagan sa prosecution panel—mga bagay na aniya’y mahalaga sa pagpapatunay ng kaso sa Senate impeachment court.


“When the rule of law is tested, we must answer with clarity, courage and competence. The House has done that by bringing in two of the most respected legal minds of our generation,” ani Adiong. (END)


@@@@@@@@@@@@@


Dating Sen. De Lima, Diokno malaking tulong sa prosecution team upang mapanagot si VP Duterte— DML Ortega


Pinaboran ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang posibleng pagsali nina dating Senador Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa House prosecution team na magpapatunay sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte sa isasagawang impeachment trial ng Senado.


Ayon kay Ortega ang presensya nina De Lima at Diokno ay magdadala ng matinding lakas sa legal na aspekto at lalo pang magpapatibay sa kredibilidad at integridad ng pagpapanagot sa opisyal ng gobyerno.


“Hindi lang basta nadagdagan ang team: nadagdagan tayo ng dalawang boses na matagal nang lumalaban para sa human rights at rule of law. Malaking bagay ‘yung nandiyan sina incoming Rep. De Lima at Rep. Diokno, hindi lang sa legal na usapin, kundi sa moral na aspeto ng impeachment trial ni VP Duterte,” ani Ortega.


Si De Lima, na ngayon ay kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list, at si Diokno, na mauupo sa ilalim ng Akbayan Party-list, ay parehong kumasa sa imbitasyon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang maging bahagi ng House prosecution panel para sa impeachment ni VP Duterte.


Sila ay kapwa kinikilalang mga eksperto sa batas at matagal nang kritiko ng mga pag-abuso sa karapatang pantao, kaya’t ang kanilang pagsama sa panel ay nagbibigay ng matinding bigat sa kaso.


“Sila ‘yung mga tunay na icons of justice natin kaya malaking bagay na pumayag silang maging bahagi ng House prosecution. This shows the kind of leaders we want on the frontlines: those who have spent their lives defending the Constitution,” dagdag ni Ortega.


Ayon pa kay Ortega, ang pagsama nina De Lima at Diokno ay hindi lamang simboliko kundi isa ring estratehikong hakbang na lalo pang magpapatibay sa kaso ng Kamara laban kay Duterte.


“Ang malinaw dito: hindi ito laban ng kulay o partido. Laban ito ng katotohanan at pananagutan,” aniya.


Binanggit din ni Ortega na ang impeachment trial ay hindi na lamang isang prosesong politikal, kundi isang pambansang kilusan para sa katotohanan, hustisya, at pananagutan.


“This is justice in full force. Nagpapadala tayo ng mahalagang mensahe: walang exempted sa rule of law, kahit sino pa ang nasasangkot,” sabi pa ng mambabatas.


Si De Lima ay dating senador at kalihim ng Department of Justice na nakulong sa halos buong panahon ng administrasyon ni Duterte  na kalauna’y napatunayang walang sala sa lahat ng kasong may kinalaman sa droga.


Si Diokno naman ay isang batikang human rights lawyer at legal educator na kilala sa kanyang dekadang adbokasiya sa pamamagitan ng Free Legal Assistance Group (FLAG).


“They are considered legal heavyweights, kaya masuwerte tayo at naging bahagi sila ng House of Representatives,” ani Ortega.


Pinuri rin niya ang desisyon ng liderato ng Kamara na buksan ang prosecution team sa mga mambabatas na hindi kabilang sa majority bloc.


“Napakaganda ng mensaheng ito: kung may paninindigan ka, may lugar ka sa laban para sa tama,” ayon kay Ortega.


“Their presence assures the public that the proceedings will be grounded in legal merit and constitutional fidelity. We want the people to see that this isn’t a show, and that it’s a serious legal undertaking with serious consequences,” dagdag pa niya.


Ang impeachment trial ay nag-ugat sa mga alegasyon ng maling paggamit ni VP Duterte ng kanyang confidential funds na umaabot sa kabuuang P612.5 milyon ang halaga at pagbabanta umano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isang online press conference—mga maituturing umanong pagtataksil sa tiwala ng publiko. (END)


@@@@@@@@@@@@@


House nakatanggap ng pinakamataas na public satisfaction rating sa mga sangay ng lehislatura — Tangere survey


Ang House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang nakakuha ng pinakamataas na public satisfaction rating sa lahat ng sangay ng lehislatura sa bansa, ayon sa pinakabagong survey ng market research firm na Tangere.


Sa kanilang pambansang survey noong Mayo 2025 ukol sa kasiyahan ng publiko sa mga pangunahing institusyon ng pamahalaan, iniulat ng Tangere na nakakuha ang Kamara ng 55.7% satisfaction rating.


Tinanggap ni Speaker Romualdez ang resulta ng survey bilang malinaw na patunay ng pangako ng Kamara sa paggawa ng mga batas na tumutugon sa agarang pangangailangan ng mga Pilipino.


“Ito ay boto ng kumpiyansa mula sa ating mga kababayan. Ipinapakita nitong talagang may naihahatid tayong mga resulta—murang bigas, pabahay para sa mahihirap, irigasyon para sa mga magsasaka, at mas mahusay na serbisyong pangkalusugan para sa mga bata,” ani Speaker Romualdez. “Ang tiwalang ito ng taumbayan ang nagbibigay sa amin ng lakas, at susuklian namin ito ng tapat at masigasig na serbisyo.”


Binigyang-diin din ng Speaker ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo upang mapanatili ang mataas na kasiyahan ng publiko. Aniya, ang mataas na rating ay bunga hindi lamang ng mga inisyatiba ng Kamara kundi pati ng matatag na suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.


“Sa ilalim ng pamumuno ng Pangulo, magkatuwang nating binubuo ang Bagong Pilipinas. Ang pagkakaisang layunin na ito ang susi sa tuloy-tuloy na pag-unlad na nakikita natin sa lahat ng sangay ng pamahalaan,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.


Ipinakita rin ng Tangere survey na tumaas sa 61.8% ang satisfaction rating sa ehekutibong sangay, na pinalakas ng mga kamakailang programang pangkabuhayan at panlipunan. Nakatanggap naman ng pinagsamang average satisfaction rating na 60% ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan pare-parehong mataas ang marka ng Army, Navy, at Air Force.


Sa kabilang banda, bahagyang tumaas ang rating ng Senado, habang nakakuha ng 48.4% satisfaction rating ang Office of the Vice President, na kasalukuyang nahaharap sa isang impeachment trial.


Binigyang-diin ng Speaker na bagaman positibo ang mga resulta ng survey, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay makikita sa mga kongkretong reporma at epekto ng mga batas sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.


“Ang mga survey ay dumarating at umaalis, pero ang serbisyo-publiko ay dapat tuluy-tuloy. Hindi kasikatan ang layunin natin, kundi tunay na pagganap sa tungkulin,” wika niya.


Isinagawa ang Tangere survey noong Mayo 8 hanggang 9 gamit ang stratified random sampling mula sa 1,500 respondents sa buong bansa, at may margin of error na ±2.48%. (WAKAS)


@@@@@@@@@@@@@


AKBAYAN SASALI SA PROSECUTION TEAM KONTRA KAY SARA


Pormal na inimbitahan ng House of Representatives ang Akbayan Party na maging bahagi ng prosecution team ng Kamara sa nalalapit na impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, sa sandaling magsimula ang paglilitis ng Senado bilang impeachment court. Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng unang reklamong impeachment at matapos ang masusing deliberasyon ng partido, buong suporta naming ibinibigay sa makasaysayang prosesong ito ng pananagutan.


Sasama sa prosecution panel ng Kamara si incoming Akbayan Representative Atty. Chel Diokno.


Buong tapang na tinatanggap ng Akbayan ang bagong kabanata ng laban para sa katarungan at pananagutan. 


@@@@@@@@@@@@@


Speaker Romualdez pinangunahan mass turn over ng solar-powered irrigation systems sa Central Luzon


Pinangunahan ngayong Huwebes ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ceremonial turn over ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan solar-powered pump—isa lamang sa mahigit 20 Solar-Powered Pump Irrigation Projects (SPIPs) na sabay-sabay na ipinagkaloob sa mga farmer-irrigators sa Central Luzon, na kinikilalang “rice granary of the Philippines.”


Dumaloy ang tubig matapos na opisyal na buksan ni Speaker Romualdez ang solar-powered pump sa Brgy. Candating, Arayat, Pampanga. Ang makabagong sistema ng patubig ay magbibigay ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng tubig sa 15 ektaryang sakahan, na dati’y umaasa lamang sa ulan, na pakikinabangan ng mga miyembro ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan Irrigators’ Association.


Kabilang sa mga dumalo sa event sina Israeli Ambassador Ilan Fluss, National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, Arayat Mayor Maria Lourdes “Malou” Alejandrino, at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.


Kabilang sa mga proyektong sabay-sabay na inilunsad ang pitong irrigation system sa Nueva Ecija, 10 sa Zambales, at tig-isa sa Bulacan at Bataan. Dalawa ring irrigation augmentation projects ang pinasinayaan sa Tarlac.


Ang bawat irrigation system ay nilagyan ng typhoon-resistant photovoltaic panels at AI-powered moisture sensors mula sa LR Group ng Israel, na makatutulong sa pagpapababa ng gastos at pagpapataas ng ani ng mga magsasaka.


“This is the future of agriculture, assisted by AI to enhance productivity,” ayon kay Speaker Romualdez.  Binanggit din ng mambabatas na ang mga naunang gumagamit nito ay nakapagtala ng higit 25 porsyentong pagtaas sa kanilang ani.


Samantala, pinuri ni Administrator Guillen ang Kongreso sa patuloy na pagbibigay ng pondo para sa mga ganitong proyekto, at binigyang-diin ang mas mababang gastos ng solar irrigation—₱200,000 hanggang ₱300,000 kada ektarya, kumpara sa tradisyonal na pamamaraan.


Ibinahagi ni Gilberto “Apong Bert” Guina, 75, na dati ay gumagastos siya ng ₱30,000 sa diesel sa bawat ani, ngunit ngayon ay nagagamit na ang perang iyon para sa pangangailangan ng pamilya at pagpapabuti ng bukid.


“Dahil sa solar irrigation, hindi na namin iniintindi ang presyo ng diesel. Yung dating ginagastos sa krudo, napupunta na sa ibang pangangailangan: sa pamilya, sa bukid. Malaking tulong talaga,” ayon kay Guina.


Binalikan ni Rey Velasco, presidente ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan Farmers’ Irrigators Association, ang mga panahong umaasa lamang ang mga magsasaka sa ulan o kailangang magbuhat ng tubig pataas gamit ang hose. Ayon sa kanya, ang SPIP ay nagdudulot ng muling pag-angat sa kanilang kita at dangal bilang mga magsasaka.


“Noon, sa ulan lang kami umaasa. ‘Pag umuulan lang saka kami masaya. Sobrang hirap po ng tubig dahil nasa taas kami. Kailangan pa naming humingi kung saan-saan ng patubig,” saad ni Velasco.


Iniuugnay ni Speaker Romualdez ang mga pagsulong na ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang sakop ng solar irrigation sa 180,000 ektarya sa buong bansa upang mapataas ang taunang produksyon ng bigas ng 1.2 milyong metriko tonelada.


“President Marcos, maraming salamat po sa suporta ninyo sa ating mga magsasaka at paniniwalang kayang makipagsabayan ang Pilipino sa pinakamahusay na teknolohiya sa mundo,” pahayag ni Speaker Romualdez, kasabay ng pangakong patuloy na suporta mula sa Kongreso sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa proyekto


"Sa tulong ng solar irrigation at smart farming, maibabalik natin ang lakas ng produksyon at maaabot muli ang hangaring maging rice exporter,” dagdag pa ni Speaker Romualdez. (END)


@@@@@@@@@@@@@


Negros, Binibigyan ng Bagong Lakas sa Paghahanda sa Sakuna sa Pagpupulong ng National Task Force Kanlaon


Pormal nang inilunsad ng pamahalaan ng Pilipinas ang National Task Force Kanlaon (NTFK) sa kauna-unahang pulong nito noong Mayo 8 sa Camp General Emilio Aguinaldo. Pinangunahan ito ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilberto C. Teodoro Jr., at itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at maagap na pamamahala ng sakuna sa Negros Island, kasunod ng kamakailang pagputok ng Bulkang Kanlaon.


Dumalo sa pulong ang mga matataas na opisyal mula sa mga pangunahing ahensya gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Office of Civil Defense (OCD), Department of Science and Technology (DOST), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), Department of Agrarian Reform (DAR), at Department of the Interior and Local Government (DILG). Ang pagtitipong ito ay alinsunod sa Administrative Order No. 32 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong unang bahagi ng taon, na nag-uutos sa pagbuo ng task force upang pangasiwaan ang mga hakbang para sa pagbangon at pagpapatatag ng mga komunidad na apektado ng aktibidad ng bulkan.


Binanggit ni Kalihim Teodoro na ang pokus ng task force ay nasa Negros Island Region (NIR), isang rehiyong wala pa o kulang ang mga tanggapan ng iba’t ibang ahensya. Binigyang-diin niya ang pangangailangang agad na mailunsad ang operasyon ng task force, sapagkat hindi sapat ang pagkakaroon ng plano kung wala namang kapasidad sa aktwal na lugar. Hinikayat niya ang mga ahensya na bilisan ang pagtatayo ng mga regional offices sa Negros at magsumite ng kani-kanilang mga panukalang badyet para sa 2026, kabilang ang para sa dagdag na tauhan, pasilidad, at operasyon.


Isa sa pangunahing tinalakay ay ang pagbuo ng Kanlaon Recovery and Development Plan (KRDP), na magsisilbing balangkas sa muling pagsasaayos ng mga komunidad at pagpapalakas ng kanilang katatagan. Isang pansamantalang bersyon ng KRDP ang inaasahang maisusumite bago ang huling panawagan sa badyet, upang maipasa ito sa Pangulo bago ang deadline ng pagsusumite ng FY-2026 budget sa Hulyo 31, 2025.


Isa pa sa mga agenda ay ang pagtatalaga ng mga Primary at Alternate Representatives mula sa bawat ahensya. Sila ang bubuo sa Inter-Agency Coordinating Cell (IACC), na magpapabilis ng ugnayan at koordinasyon sa mga kasaling ahensya. Magsisilbi rin sila bilang pangunahing sanggunian sa pagbuo ng mga Technical Working Groups (TWGs) na magbibigay ng teknikal na suporta sa task force.


Napagkaisahan din sa talakayan na kailangang repasuhin at iakma ang estruktura ng mga TWG ayon sa prayoridad ng operasyon at mga realidad sa lugar. Pinayagan ang mga ahensya na tukuyin ang mga partikular na bureau o attached agencies na may direktang papel sa disaster response.


Binigyang-diin din ng mga opisyal ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng regional infrastructure. Hinikayat ni Secretary Teodoro ang mga ahensya na huwag ipagpaliban ang kanilang budget proposals dahil lamang sa kawalan pa ng regional offices. Ibinahagi rin ang mga positibong ulat mula sa Department of Health, na may tanggapan na sa Dumaguete, at sa DILG, na aprubado na ang staffing request.


Ipinahayag ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga na kasalukuyang pinagsasama-sama ng kanyang kagawaran ang mga tanggapan sa rehiyon at bumubuo ng mas matibay na organizational structure. Kaisa niya ang ibang mga pinuno ng ahensya sa panawagang pabilisin ang mga hakbang na ito, lalo’t may umiiral na emergency sa Negros.


Samantala, ipinahayag ni Undersecretary Ariel F. Nepomuceno ng OCD ang buong suporta sa inisyatiba, at binigyang-diin ang kahalagahan ng paglipat mula sa tradisyunal na response-oriented strategy patungo sa proaktibong approach sa resilience building.


Nagtapos ang pulong sa muling pagtitiyak ng pamahalaan sa layunin nitong paigtingin ang kapasidad ng Negros sa harap ng sakuna. Ang layunin: matiyak ang kahandaan ng mga komunidad sa mga hinaharap na panganib sa pamamagitan ng koordinado at maagap na pagkilos.


Sa patuloy na banta ng mga kalamidad sa Pilipinas, ang pagbuo ng National Task Force Kanlaon ay simbolo ng mas nakasentro sa lugar at mas maagap na pamamahala sa sakuna—isang hakbang na hindi lamang tutugon sa agarang pangangailangan, kundi susuporta rin sa pangmatagalang pagbangon ng mga komunidad sa panganib.


@@@@@@@@@@@@@


Chairman Acidre: 2025 Eleksyon, Patunay na Pinahahalagahan ng mga Pilipino ang Pananagutan, Hindi Bulag na Katapatan


Sinabi ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre nitong Huwebes na ang midterm elections ng 2025 ay naghatid ng malinaw na mensahe: ang paninindigan para sa katotohanan at pananagutan ay hindi pagkawasak ng karera sa pulitika—ito ay tunay na pamumuno.


Ito ay matapos makumpirma na 100 sa 115 miyembro ng Kamara mula sa iba’t ibang distrito na lumagda o nagpatibay ng reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang muling nahalal, na may pambansang panalong porsyento na 86.96%, ayon kay Acidre.


Maging sa Mindanao, kung saan inaasahan ng iba ang matinding reaksiyon, sinabi ni Acidre na 36 sa 44 na mga pro-impeachment na mambabatas ang nagtagumpay sa halalan—katumbas ng 81.81% na tagumpay.


“Para maitama lang ang usapan, winasak ng resulta ng halalan ang naratibo na ang impeachment ay naging pabigat sa pulitika,” ani Acidre. “Ang nakikita natin ay sambayanang mas pinahahalagahan ang tapang kaysa pakikiayon. Malinaw ang mensahe—at kinampihan nila kami.”


Ito ay bilang tugon sa mga pahayag na diumano’y naapektuhan ang mga kandidatong kaalyado ng administrasyon dahil sa impeachment process.


“Sa paggalang kay Rep. Tiangco, hindi sumusuporta ang mga numero sa pahayag na ‘yan,” ani Acidre. “Ang pagkatalo ng ilang kandidato ay hindi maiaakibat sa isang prosesong konstitusyonal na malinaw na naunawaan—at sinang-ayunan—ng taumbayan.”


Ibinahagi rin niya na pinagtibay ng eleksyon ang pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na aniya’y nagpatnubay sa Kamara sa gitna ng isa sa mga pinakamaselang panahong pampulitika sa kasaysayan ng lehislatura—may paninindigan, kapanatagan, at pagkakaisa.


“Kumilos ang Kamara ayon sa nararapat—bilang isang malaya at kapantay na sangay ng pamahalaan na tapat sa alituntunin ng batas. Si Speaker Romualdez ang naging haligi ng matatag at makataong pamumuno. Sa katunayan, pinatunayan ng resulta ng halalan na tumatagos sa buong bansa ang kanyang tatak ng prinsipyadong pulitika,” dagdag ni Acidre.


Hinikayat niya ang kapwa mambabatas na itigil na ang pagsisihan at ituon ang pansin sa mas mahalagang layunin: ang makapaghatid ng tunay na serbisyo sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng Bagong Pilipinas.


“Hindi ito panahon ng sisihan. Hindi tayo inihalal para protektahan ang kani-kaniyang karera, kundi upang gampanan ang ating tungkulin. Nagsalita na ang bayan. At ang kanilang panig ay nasa panig ng pananagutan,” pahayag ni Acidre. (WAKAS)


@@@@@@@@@@@@@


Mga Lider ng Kamara: Mananatiling Speaker si Romualdez sa Ika-20 Kongreso


Tiwala sina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez at Rep. Mark Enverga, kapwa mula sa lalawigan ng Quezon, na mananatiling Speaker ng House of Representatives si Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) President Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagpasok ng Ika-20 Kongreso.


Ito ay kasunod ng mga lumulutang na espekulasyon tungkol sa posibleng mga hamon sa pinakamataas na posisyon sa Kamara.


“Sa nakaraang tatlong taon, nakita natin ang naging takbo ng performance ng Kamara. Nakita natin kung paanong naihatid ang legislative agenda ng ating Pangulo,” ani Suarez, isa sa mga matatag na lider ng Lakas-CMD, sa harap ng mga mamamahayag.


“Nakita rin natin kung paano pinamunuan ang ating institusyon. Naniniwala kami na para sa nakararami sa amin, ang kontinwidad ay mahalaga para sa Kongreso. Buo ang suporta namin sa pamumuno ni Speaker Martin,” dagdag pa niya.


Si Enverga naman, na miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC), ay nagpahayag din ng buong tiwala na ipagpapatuloy ni Speaker Romualdez ang kanyang liderato sa susunod na Kongreso.


“Kami po ay naniniwala na si Speaker Martin ay magpapatuloy bilang Speaker. Kaya magpapatuloy po ito,” ani Enverga.


Tungkol naman sa mga usap-usapang may ibang nagbabalak umagaw sa speakership, sinabi ni Enverga na wala siyang nalalamang anumang kumpirmadong impormasyon ukol dito. (WAKAS)


@@@@@@@@@@@@@


DS Suarez: 86% ng mga Pumirma sa Impeachment, Muling Nahalal — Walang Backlash na Nangyari


Ipinagkibit-balikat ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez nitong Biyernes ang mga alegasyong nagkaroon ng pampulitikang backlash kaugnay ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Aniya, malinaw ang naging resulta ng halalan—86 porsyento ng mga kongresistang lumagda sa reklamo ay muling nahalal, patunay umano na nasa panig nila ang taumbayan.


“Well, unang-una, kung titingnan po natin ‘yung winning rate ng mga congressmen na pumirma sa impeachment, I think that was at 86%,” pahayag ni Suarez. “Sila po talaga ‘yung dapat makaramdam kung meron man.”


Ito ay bilang tugon sa pahayag ni Alyansa campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco, na nagsabing nakaapekto nang negatibo ang impeachment sa administrasyon, partikular sa Mindanao, at may mga mambabatas umanong napilitang lumagda.


Mariing itinanggi ni Suarez ang anumang alegasyon ng pamimilit o lihim na kasunduan sa likod ng pagpirma sa reklamo. “There’s no truth to that allegation, there’s no truth to that matter,” ani Suarez.


“Walang napilit, walang pinilit, at lahat ng pumirma ay ginawa ito ayon sa kanilang sariling kagustuhan,” dagdag pa niya.


“Respeto ko po ang opinyon ni Cong. Toby Tiangco ukol sa bagay na ito, pero hindi po ako sumasang-ayon,” aniya pa. Bilang campaign manager, aniya, maaaring iba ang pananaw ni Tiangco batay sa kanyang pagkakaunawa sa sitwasyon sa kampanya.


“Pero siyempre, bilang isang campaign manager, siguro nakikita niya ‘yung terrain, mas nauunawaan niya ‘yun,” sabi pa ni Suarez.


Hindi na nagbigay ng dagdag na detalye si Suarez ngunit pinanindigan niyang bawat kongresistang lumagda sa impeachment complaint ay ginawa ito ayon sa kanilang sariling pagsusuri at pag-unawa sa tungkulin nilang konstitusyonal.


“I’ll just leave it at that,” aniya. “At iginagalang ko ang kanyang opinyon ukol sa isyung ito.” (WAKAS)


@@@@@@@@@@@@@


UNANG PANUKALANG BATAS NI CONG. ADRIAN SALCEDA: DAGDAG ₱10 SA PRESYO NG BILIHIN NG NFA SA PALAY, MAARING UMABOT SA ₱40/KILO ANG LINIS AT TUYONG ANI


Sa pagbubukas ng unang regular na sesyon ng Ika-20 Kongreso ngayong Hulyo, naghahanda si Congressman Raymond Adrian “Adrian” Salceda na ihain ang kanyang kauna-unahang panukalang batas—isang panukala na layong dagdagan ng ₱10 kada kilo ang buying price ng National Food Authority (NFA) para sa palay, gamit ang labis na kita mula sa rice import tariffs.


Sa kasalukuyan, nasa ₱29 kada kilo ang bayad ng NFA para sa malinis at tuyong palay. Sa ilalim ng panukala ni Salceda, maaari itong tumaas sa ₱39 hanggang ₱40 kada kilo—isang malaking tulong sa kita ng mga magsasaka.


“Ito ang una kong panukala sa Kongreso—direkta, nakatutok, at agad na makikinabang ang mga magsasaka. Sa bawat sako ng malinis at tuyong palay, puwedeng kumita ang magsasaka ng hanggang ₱40 kada kilo. Totoong kita ito sa kanilang bulsa,” pahayag ni Salceda.


Walang Bagong Buwis: Gamitin ang Labis na Kita sa Taripa


Alinsunod sa Republic Act No. 11203 o Rice Tariffication Law, ang unang ₱10 bilyon taun-taon mula sa kita sa rice import tariffs ay inilalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Ngunit mula 2021, umabot na sa mahigit ₱38 bilyon ang labis na nalikom—karamihan dito ay hindi nagagamit.


Layunin ng panukala ni Salceda na payagan ang paggamit ng labis na koleksyon ng rice tariffs upang direktang suportahan ang mas mataas na buying price ng NFA sa palay, lalo na para sa mga produktibong magsasakang nagdadala ng malinis at tuyong ani.


“Hindi na kailangan ng bagong buwis. Nasa atin na ang pera—ang kailangan lang ay gamitin ito nang maayos at ibigay sa mga tunay na gumagawa ng ating pagkain,” paliwanag ni Salceda.


Pagsasaayos ng Imbakan at Tugon ng NFA sa Krisis


Kasama rin sa panukala ang pagbibigay kapangyarihan sa NFA na i-modernisa ang kanilang storage system upang mapahaba ang shelf life, maiwasan ang pagkasira ng ani, at makapagmobilisa ng stock kapag may krisis sa presyo o sakuna.


Pangunahing probisyon:

Rehabilitasyon at modernisasyon ng climate-controlled o hermetic warehouses

Pagkuha ng mobile milling at drying facilities para sa mga liblib na lugar

Paglikha ng Rice Market Intervention Fund para sa agarang aksyon kapag biglang tumaas ang presyo ng bigas


“Kung ipag-uutos nating bumili ang NFA ng bigas sa mas mataas na presyo, kailangan din nilang magkaroon ng kakayahang mag-imbak at mag-ikot ng stock nang epektibo. Inihahanda ng batas na ito ang NFA sa ganyang responsibilidad,” dagdag ni Salceda.


Makatao, Progresibong Reporma Para sa Magsasaka


Binigyang-diin ni Salceda na ang panukala ay hindi tulad ng mga dating subsidiya sa abono o binhi, kundi isang gantimpala para sa aktwal na ani—isang resulta-based na insentibo para sa masipag, mahusay, at kumpetitibong magsasaka.


“Ito ay para sa mga magsasakang nagtanim, nag-ani, nagpatuyo, at naghatid ng palay. Binibigyan ng halaga ang resulta, hindi lang ang pagsisikap. Tunay na reporma ito na may katapat na benepisyo,” aniya.


Bilang kanyang unang hakbang bilang mambabatas, sinabi ni Salceda na ang panukala ay sumasalamin sa kanyang pinanggalingan bilang pamangkin ng isang kilalang ekonomista, at sa kanyang paninindigang bigyang tinig ang pinakaimportanteng ngunit madalas nakaliligtaang sektor ng lipunan.


@@@@@@@@@@@@@


Solon bukas sa pagpasok nina Diokno, De Lima bilang prosecutor sa impeachment ni VP Sara


Bukas si House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun sa posibilidad na makasama sina dating Senador Leila De Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa prosecution panel ng Kamara de Representantes sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Itinuturing ni Khonghun na “powerful reinforcement” sina De Lima at Diokno sa pagsusulong ng hustisya.


“With some prosecutors unable to continue in the 20th Congress, we welcome the possibility of including new members like former Sen. De Lima and Atty. Diokno in the prosecution panel,” ani Khonghun.


“They are both lawyers, both consistent defenders of human rights, and both long-time critics of former President Rodrigo Duterte’s brutal war on drugs—exactly the kind of voices we need to restore accountability,” dagdag pa niya.


Nakatakdang umupo si De Lima sa Kongreso bilang kinatawan ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list, habang nangunguna naman si Diokno sa mga nominee ng Akbayan Party-list, na kasalukuyang nangunguna sa party-list election.


Ang dalawang grupo ay kaalyado ng mga kilusang repormista at demokratiko na hayagang sumusuporta sa mga pagsisikap na panagutin ang administrasyong Duterte at ang mga kaalyado nito.


“Kung tutuusin, walang mas angkop na makasama sa prosecution panel. De Lima endured years of unjust detention. Diokno has defended countless victims of abuse. Their presence would send a clear message: the House is serious about this impeachment,” dagdag pa ni Khonghun.


Magsasagawa ng impeachment trial ang Senado kaugnay ng mga kasong misuse of confidential funds, falsification of documents, at culpable violation of the Constitution na inihain ng Kamara laban kay Duterte.


Nanindigan si Khonghun, isang mahalagang miyembro ng House “Young Guns” bloc, na dapat maisakatuparan ang paglilitis nang may ganap na transparency at determinasyon.


“This is bigger than politics. This is about restoring the people’s faith in public institutions. And if leaders like incoming Reps. De Lima and Diokno are willing to help prosecute the case, the House should welcome them with open arms,” dagdag pa ni Khonghun. (END)

No comments:

Post a Comment