Valeriano: DBM variance report magpapatunay na hindi Kamara ang gumawa ng insertions sa 2025 budget
Iginiit ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na ang variance report ng 2025 national budget mula sa Department of Budget and Management (DBM) ang maglilinaw na hindi ang Kamara de Representantes ang nasa likod ng mga insertion sa pambansang pondo.
Ayon kay Valeriano maayos ang ipinasang General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara at ang may pinakamalaking alokasyon ay ang Department of Education (DepEd) at mayroon din umanong pondo para sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“‘Yung [GAB] na sinubmit naman namin after the plenary session eh maayos naman po at that time. Mataas ang budget ng DepEd sa lahat. Second, may budget din po ‘yung PhilHealth. Pero along the way pagdating po sa Senate, dumaan sa Senate, nagkaroon ng bicam, at ‘yung ma-approve na po ‘yung GAA, iba na,” ani Valeriano sa isang virtual press conference.
Ayon sa mambabatas, tinanong niya si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa budget hearing kung natanggap ba ng DBM ang parehong kopya ng GAB mula sa Kongreso at ang final version ng General Appropriations Act (GAA).
“Kaya nga po, during the hearing last Monday, kay Secretary ng DBM, eh tinanong ko siya, nakatanggap ka ba ng GAB na galing sa Congress? Oo raw. Meron ba rin final version ng budget? Oo naman daw. So merong variance,” ani Valeriano.
Ayon sa kanya, nangako ang DBM na isusumite ang parehong control bill at ang pinal na bersyon ng budget, na magpapakita nang malinaw kung saan talaga nagkaroon ng mga pagbabago.
“So all along, makikita natin kung saan talaga nabago ‘yung budget eh. Kung sa Kongreso ba? Eh right now, left and right ‘yung attack, para bang ‘yung Kongreso daw ang nag-insert, Kongreso daw ang nagbago,” dagdag pa ng mambabatas.
“So once and for all, lumabas ‘yan ‘yung hinihingi ko sa DBM… Nangako naman ‘yung Secretary ng DBM na dadalhin niya ‘yung kopya ng control bill ng GAB and the final version,” wika ni Valeriano.
“At doon makikita natin ‘yung variance, ‘yung pagkakaiba at makikita rin natin kung saan talaga nanggaling ‘yung insertion at ‘yung pag-iikot-ikot nung 2025,” paliwanag pa ng kongresista ng Maynila.
Dagdag ni Valeriano, nangako rin ang DBM na isusumite ang listahan ng mga proyekto na For Later Release o FLR ngayong taon.
Giit ni Valeriano, mahalaga ang listahan para malaman kung aling mga item ang hindi bahagi ng orihinal na National Expenditure Program at patunayan na hindi galing sa Kamara ang mga insertions. (END)
No comments:
Post a Comment