Thursday, August 21, 2025

 Quiboloy dapat managot sa batas— Valeriano



Iginiit ni Manila 2nd district Representative Rolando Valeriano na dapat harapin ng televangelist na si Apollo Quiboloy ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa Pilipinas at sa Estados Unidos, at iginiit na kahit ang pinakamakapangyarihang tao ay hindi makakatakas sa pananagutan.


“Ang bigat po ng kasong kinakaharap ni Pastor Quiboloy,” sabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, sa isang online press conference nang tanungin tungkol sa hiling ng U.S. na maipa-extradite ang pinoproblemang lider-relihiyoso.


“‘Yung hiling naman ng U.S. ‘yan po dadaan naman po sa proseso. Merong extradition treaty at meron tayong korte. Ang pagkakaalam ko tatapusin muna ‘yung kaso, pero at the same time hindi po dapat balewalain ‘yun (extradition request),” dagdag niya.


Binigyang-diin ni Valeriano na kailangan ipakita ng Pilipinas sa mundo na gumagana ang sistema ng hustisya nang walang kinakatakutan at kinikilingan.


“Dapat ipakita ng bayang Pilipinas na kaya nating magpatupad ng batas at kahit sino, kahit gaano ka man ka-impluwensya, kahit gaano ka man kasikat, mananagot ka sa batas ng lipunan,” aniya.


Iginiit rin ng mambabatas na dapat pantay-pantay ang pagpapatupad ng hustisya.


“Dito pantay-pantay ang treatment natin whether sikat kang tao o hari ka dito. Sa mata ng Diyos at sa mata ng tao, mananagot ka,” sabi ni Valeriano.


Si Quiboloy, na nagpakilalang “Appointed Son of God” at founder ng Kingdom of Jesus Christ sect, ay nahaharap sa mga kasong sex trafficking, bulk cash smuggling, at immigration fraud sa Estados Unidos.


Ayon sa mga awtoridad ng U.S., si Quiboloy at ang kanyang mga kasamahan ay nagsamantala sa mga miyembro ng simbahan, kabilang ang mga menor de edad, sa isang scheme na tumagal nang maraming taon.


Dito naman sa Pilipinas, si Quiboloy — na spiritual adviser at malapit na kaibigan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte — ay nahaharap din sa mga kasong human trafficking at child abuse na isinampa ng mga dating miyembro ng kanyang simbahan na nagsabing sila’y biktima ng sexual exploitation at coercion.


Ayon sa Department of Justice, dapat munang maresolba ang kanyang mga kaso sa bansa bago isagawa ang extradition process patungong U.S. (END)

No comments:

Post a Comment