Thursday, April 10, 2025

EDITORIAL SA KATROPA SA KAMARA

EDITORIAL SA KATROPA SA KAMARA


Ni Terence Mordeno Grana


“Pinalalakas, Hindi Pinupukaw: Pagsasanay Militar Para sa Seguridad ng Bayan”


(House Speaker welcomes expanded PH-US military exercises, vows continuing support for AFP modernization)


Mga ginigiliw kong tagapakinig, sa harap ng mga hamon sa ating pambansang seguridad, isang mahalagang balita ang dapat bigyang pansin at pagninilay—ang pinalawak na PH-US military exercises na isinasagawa ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Mainit itong tinanggap ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na nagsabing ang mga pagsasanay na ito ay hindi lamang pagpapalalim ng ugnayang militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kundi isang matibay na hakbang sa pagpapatatag ng kakayahan ng ating bansa na ipagtanggol ang sarili. Aniya, at ako’y sumasang-ayon, ang ganitong kooperasyon ay maaaring palakasin ang ating depensang panlupa at pandagat, nang hindi isinusuko ang ating patakarang panlabas na nagsasarili.


Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang Marine Exercise 2025 o MAREX 2025, na nagsimula noong Marso 30 at magtatapos ngayong Abril 11. Dito’y kalahok ang higit 400 na mga sundalong Pilipino at Amerikano — kabilang ang mga mula sa Philippine Marine Corps, Philippine Army, Philippine Coast Guard, at mga reserbista.


Ang layunin? Mabilisang tugon sa dagat, kontra-lusob na operasyon, at matatag na coastal defense.

Malinaw ang punto ni Speaker Romualdez: “Sa ganitong paraan, matutugunan natin ang mga kritikal na aspeto ng depensa ng ating bansa, lalo na sa ating mga baybayin.”


Sabay naman ang Salaknib, isang salitang Ilokano na ang ibig sabihin ay “panangga.” Isinasagawa ito ng Philippine Army at US Army Pacific. May dalawang yugto ito: ang una ay mula Marso 24 hanggang Abril 11, at ang ikalawa ay sa Mayo 19 hanggang Hulyo 20. Tampok dito ang mga aktibidad gaya ng live fire artillery drills, sling load helicopter missions, at medical evacuations.


At bilang isang tagasubaybay ng mga usaping pambansa sa loob ng dekada, ako po ay natutuwa na binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang mga pagsasanay na ito ay hindi pananakot o panggugulo sa iba, kundi paghahanda sa sarili. Ang tunay na layunin: pinalalakas ang kakayahan, pinagbubuklod ang koordinasyon, at pinananatili ang kapayapaan.


At huwag po nating kalilimutan—kasama sa mga layunin ng mga naturang drills ang pagtugon sa mga sakuna, paghahatid ng humanitarian aid, at pagpapahusay ng peacekeeping capabilities. Kaya’t ito ay hindi lamang para sa giyera, kundi para rin sa paglilingkod sa mamamayan sa panahon ng pangangailangan.


Lahat ito ay isinasagawa sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty, isang kasunduang matagal nang haligi ng ugnayang depensa ng Pilipinas at Amerika. Ngunit kahit may ganitong kasunduan, nananatili ang respeto sa ating soberenya bilang isang malayang bansa.


Sa Kongreso, tiniyak ni Speaker Romualdez ang patuloy na suporta sa modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Handa raw ang Mababang Kapulungan na maglaan ng pondo, at siguruhing ang bawat pisong ilalaan dito ay magagamit nang tama at ayon sa layunin.


At sa huli, isang paalala ang iniwan niya:

“Ang tunay na lakas ng bansa ay hindi lamang nasa lakas ng armas, kundi sa pagkakaisa ng sambayanan.”


Mga kababayan, ang ganitong uri ng kooperasyon at paghahanda ay hindi senyales ng kahinaan o pagdepende, kundi pagiging responsable at maagap. Huwag nating hayaan na ang mga pagsasanay para sa kapayapaan ay mabahiran ng maling interpretasyon.


Sa panahong ito ng maraming pagbabanta sa seguridad — mula sa agawan sa teritoryo, tensyon sa dagat, hanggang sa mga natural na sakuna — mas kailangan natin ng matibay na Sandatahang Lakas, malinaw na patakarang panseguridad, at higit sa lahat, pagkakaisa ng sambayanan.


Ito po ang Katropa sa Kamara, para sa Bayan at ng Bayan.

No comments:

Post a Comment