Tuesday, April 1, 2025

Mga Malita: 250405 BISA NG ARREST ORDER NG QUADCOMM, MAWAWALA NA SA PAGTATAPOS NG 19TH CONGRESS

Speaker Romualdez kinilala irrigators associations bilang bayani sa agrikultura



Kinilala ni Speaker Martin G. Romualdez ang mahalagang papel ng mga irrigators association (IA) na itinuturing na mga “bayani ng agrikultura” sa kanilang pagpapatibay sa seguridad ng pagkain sa bansa.


Sa harap ng daan-daang irrigators at magsasaka na nagtipon para sa 2025 Nationwide NIA-IA Congress na ginanap sa Canyon Woods Resort Club sa Laurel, Batangas noong Miyerkules, ipinahayag ni Speaker Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa paglikha ng mga batas upang mapabuti ang kanilang kalagayan at matugunan ang kanilang mga matagal nang suliranin.


“Hindi lang ito seminar. Hindi lang ito palitan ng mga plano. Ito ay pagtitipon ng mga tunay na bayani ng agrikultura – kayo,” ani Speaker Romualdez.


Pinangunahan ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang pagtitipon na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga irrigator, ahensya ng gobyerno, at mga mambabatas.


Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng irigasyon sa kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino, at direktang inuugnay ang sapat na suplay ng tubig sa seguridad sa pagkain sa buong bansa.


“Hindi na po kailangang ipaliwanag pa kung gaano kahalaga ang papel ng patubig sa buhay ng magsasaka. Kung walang patubig, walang ani. Kung walang ani, walang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” giit pa ng kongresista.


Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa mga pinuno ng IA na kinikilala ng Kongreso ang kanilang pagsisikap at sakripisyo, idiniin ang kanilang mahalagang ginagampanan sa ekonomiya, lalo na sa kabila ng patuloy na hamon sa sektor ng agrikultura.


“Kinikilala namin ang inyong sakripisyo at kontribusyon sa ating ekonomiya. Kayong mga kasapi ng IAs ay katuwang namin sa pagtataguyod ng food security ng bansa. Sa Kongreso, tinuturing namin kayong mga frontliners ng food supply chain,” ayon pa sa lider ng Kamara de Representantes.


Ipinahayag din ni Speaker Romualdez na kaniyang nauunawaan ang mga problema ng mga magsasaka na narinig niya sa mga pagbisita sa komunidad. Kabilang dito ang mga isyu sa subsidies, insurance, water permit fees,at scholarships para sa kanilang mga anak. 


“Narinig ko ang mga hinaing ninyo – mula sa farm inputs, makinarya, at subsidiya, hanggang sa insurance, water permit fees, at scholarship para sa mga anak ninyo. Lahat ng ito ay lehitimo. Hindi ito luho, ito’y pangangailangan,” saad niya.


Upang matugunan ang mga ito, nangako si Speaker Romualdez na personal niyang tututukan ang mga nakabinbing panukalang batas at ang pagbalangkas ng mga patakaran at badyet sa agrikultura, upang matiyak na maririnig ang boses ng mga magsasaka at mananatiling sentro ng mga prosesong ito.


“Bilang Speaker, personal kong tututukan ang mga panukalang batas na makakatugon sa inyong mga pangangailangan. Sa pagbuo ng mga bagong polisiya at badyet para sa agrikultura, sisiguraduhin kong may puwang ang boses ng magsasaka,” pagtitiyak pa ng mambababtas mula sa Leyte.


Hinikayat din niya ang mga lider ng IAs at mga samahan ng magsasaka na makilahok sa mga talakayan at deliberasyon sa Kongreso upang matiyak na ang mga batas na ipapasa ay tunay na sumasalamin sa kanilang pangangailangan.


“Hinihikayat ko kayo – mga lider ng IAs, mga organisasyon ng magsasaka – makilahok kayo sa mga pagdinig sa Kongreso. Sumali kayo sa deliberasyon. Sabihin ninyo mismo kung anong klaseng batas ang kailangan ninyo,” dagdag niya.


Pinaalalahanan ni Speaker Romualdez ang sektor ng agrikultura na huwag mag-atubiling ipahayag ang kanilang saloobin sa mga mambabatas, kasabay ng pagbibigay-diin na ang House of Representatives sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakatuon sa pagsasalin ng kanilang mga pangangailangan sa makabuluhang mga batas at patakaran.


“Huwag kayong mahiyang magsalita. Hindi lang kayo tagapakinig. Kayo ang dahilan kung bakit may mga batas na kailangang likhain. At sa ilalim ng aking pamumuno sa House of Representatives, sisiguraduhin kong maririnig ang tinig ninyo,” aniya.


Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang tunay na pag-unlad ng “Bagong Pilipinas” ay nangangailangan ng tunay na pag-angat ng sektor ng agrikultura at ng mga komunidad na umaasa rito.


“Habang ako po ang inyong Speaker, you can count on me to fight for you, to stand with you and to make sure that your voices turn into action, and your needs into legislation,” pangako ni Speaker Romualdez. (END)


@@@@@@@@@@@


Acidre kay Roque: Imbes na umapela sa Qatari authorities, tulungan ang mga OFW naaresto


Hinimok ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list si dating Presidential Spokesperson at international lawyer Harry Roque na magbigay ng legal assistance sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na inaresto sa Qatar kamakailan, sa halip na umapela sa mga awtoridad ng Qatar.


“Habang abalang-abala ang administrasyong Marcos sa pagtulong sa ating mga kababayang Pilipino na nahuli sa Qatar, mas mainam siguro na gamitin ni Atty. Harry Roque ang kanyang kakayahan bilang isang international lawyer para tulungan ang ating mga kababayang OFW sa Qatar sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na tulong o kaya’y pagkalap ng financial support para sa kanila,” giit ni Acidre, na isa ring House Assistant Majority Leader.


"Sa intindi ko, isa siya sa mga nagbuyo sa ating kawawang mga kababayang naiipit ngayon na magsagawa ng pagtitipon. Wala namang silbi ang appeal, appeal niya sa Qatari authorities. Unang-una, wala siyang legal personality to make the appeal. Pangalawa, fugitive siya dahil sa contempt ng Kamara tapos may kaso pa siyang human trafficking dahil sa POGO. Ang pwede niya talagang maitulong ay legal aid sa mga naaresto sa Qatar," dagdag pa niya.


Noong nakaraang buwan, inaresto ng mga awtoridad ng Qatar ang 20 Pilipino dahil sa umano’y paglahok sa mga hindi awtorisadong political demonstration na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court sa The Netherlands. Kabilang sa mga inaresto ang tatlong menor de edad na pinalaya na.


Una na ring nagpadala ang pamahalaan ng Pilipinas ng mga opisyal ng embahada upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar at magbigay ng tulong sa mga naaresto. 


Kasalukuyan ding inaayos ang pagkuha ng legal counsel para sa mga posibleng makasuhan, dahil ang mga hindi otorisadong pagtitipon sa Qatar ay maaaring magresulta sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon. 


Sinabi ni Acidre na si Roque ay eksperto sa international law na makakatulong umano upang agad na mapalaya ang mga nakakulong na Pilipino.


“Wala naman siyang official business sa Netherlands. Hindi naman siya parte ng legal defense team doon, kaya bakit hindi na lang siya tumulong dito sa ating gobyerno upang masiguro ang kaligtasan at hustisya para sa OFWs na nakakulong sa Qatar?” dagdag pa ni Acidre.


Binigyang-diin niya na ang gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), ay patuloy na umaalalay sa mga OFWs na nangangailangan ng tulong sa ibang bansa.


Iginiit ni Acidre na habang may mga hakbang na isinasagawa ng gobyerno, ang karagdagang legal na suporta mula sa mga pribadong indibidwal tulad ni Roque, na may sapat na kaalaman, ay makatutulong nang malaki upang mapalakas pa ang mga pagsisikap na magbigay tulong.


"Ang gobyerno ay aktibong tumutulong sa ating mga OFWs sa pamamagitan ng legal na representasyon at consular support. Makakatulong kung makipagtulungan si Atty. Roque sa mga ahensiyang ito kaysa sa gumawa ng mga hiwalay na apela na maaaring hindi tugma sa opisyal na aksyon ng gobyerno," ipinaliwanag ni Acidre.


Hinimok din ni Acidre si Roque na gamitin ang kanyang koneksyon upang makalikom ng pondo upang matulungan ang mga OFWs na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng legal fees sa ibang bansa.


“Maraming OFWs ang nahihirapan dahil sa mahal na gastusin sa mga legal fees abroad. Bilang isang abogado sa international law, malaking bagay kung gagamitin ni Atty. Roque ang kanyang talento para makalikom ng pondo upang suportahan ang OFWs na nangangailangan ng agarang tulong,” sabi ni Acidre.


“This is not about politics; this is about helping our fellow Filipinos who are in dire need abroad. We should pool our resources and expertise together instead of acting individually,” giit ni Acidre.


“Mas magiging epektibo ang pagtulong kung sama-sama tayo, lalo na’t mga buhay at kinabukasan ng ating mga kababayan ang nakataya dito,” dagdag niya.


Noong nakaraang linggo, tinuligsa ni Acidre si Roque na naghain ng aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands, na aniya’y isang desperadong pagtatangka upang makaiwas sa pananagutan hinggil sa umano’y pagkakasangkot sa mga offshore scam hubs o Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga kaugnay na krimen, kabilang ang human trafficking.


Ang hakbang ni Roque ay kasunod ng pagsasampa sa kanya ng kasong human trafficking, kasama ang dalawang iba pa, sa Department of Justice (DOJ).


Ang reklamo, na isinampa ng mga prosekutor ng gobyerno, ay nag-aakusa kay Roque ng paggamit ng kanyang posisyon at impluwensya sa gobyerno upang protektahan at pahintulutan ang mga kriminal na sindikato na nagpapatakbo ng mga offshore gambling hubs sa bansa na sangkot sa human trafficking, cyber fraud, at money laundering. (END)


@@@@@@@@@@@


Speaker Romualdez: Kamara suportado pagpapalakas ng National Prosecution Service



Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga prosekutor, na mas tinatawag na piskal, na suportado ng Kamara de Representantes ang mga hakbang na lalong makakapagpalakas sa National Prosecution Service.


Ginawa ni Speaker Romualdez ang pagtitiyak sa ika-34 na national convention at ika-17 national election ng Prosecutors’ League of the Philippines na ginanap sa Marriott Hotel sa Pasay City.


Kasama ni Speaker Romualdez bilang guest sa event sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.


Bilang isang abugado na nagtapos sa University of the Philippines (UP), sinabi ni Speaker Romualdez na mayroon siyang koneksyon sa mga taga-usig.


“I may not have chosen the courtroom path that many of you walk every day, but I understand and deeply respect the discipline, the sacrifice, and the silent courage it takes to pursue justice - case after case, day after day,” ani Speaker Romualdez.


“You carry out your mission away from the spotlight, but your work lights the way for a more just society. In cities and in far-flung areas, in high-profile cases and in those known only to victims and their families - you speak for those who cannot speak for themselves. You stand up for the rule of law, and more importantly, for the dignity of every Filipino,” dagdag pa niya.


Dahil dito, binigyang-diin niya na nananatili ang pangako ng Kamara na susupoaratahan at palalaksin ang National Prosecution Service.


“You deserve not just recognition, but real, tangible support,” aniya.


Sinabi ni Speaker Romualdez na noong siya ay House Majority Leader, pinangunahan niya ang pagpasa ng Republic Act No. 11643 o ang Survivorship Law for Prosecutors.


“That law closed a painful gap - finally giving the surviving spouses and children of prosecutors the same rights long granted to other members of the justice system. It was the right thing to do. And it was just the beginning,” sabi niya.


“Today, I stand before you to say: our commitment continues,” dagdag niya.


Sinabi rin ng Speaker na isinusulong sa Kamara ang agarang pagpasa ng Hazard Pay for Public Prosecutors Act, isang panukalang batas na kumikilala sa panganib na kinakaharap ng mga taga-usig kaugnay ng kanilang trabaho.


“Whether you are handling cases involving drug syndicates, terrorism, human trafficking, or corruption, the risk is real. And so, too, should be the support,” aniya.


Ipinabatid din ni Romualdez sa mga prosecutor na sinusuportahan ng Kamara ang pagpasa ng House Bill No. 117, na inihain ni Cavite Rep. Roy Loyola, upang itaas ang salary grade at benepisyo ng mga taga-usig sa antas ng mga nasa hudikatura.


“This is not just about compensation—it’s about fairness and respect. Beyond that, the House is reviewing proposals to improve your retirement benefits, security assistance, and logistical support. These are not favors. These are investments in the people who hold the justice system together,” paliwanag niya.


“Mga kasama ko sa serbisyo publiko, I know that you did not enter this profession to seek the limelight or the applause. You do what you do because you believe in the law, in justice, and in the good it can do for our country. But let me say this clearly: you are not forgotten. And under our watch, you will no longer be the unsung heroes of the justice system,” aniya.


Dagdag pa niya, mananatiling kaisa ng mga taga-usig ang Kamara sa paggawa ng mga batas, polisiya, at iba pang hakbang upang mapalakas ang mga institusyon ng hustisya sa bansa.


“Because when we support our prosecutors, we strengthen our democracy,” aniya.


Binigyang-diin din ng Speaker na ang pagtitipon ng mga taga-usig ay hindi lamang pagdiriwang ng kanilang mga nagawa kundi isang paalala na marami pa silang maaaring magawa nang sama-sama.


“Let us continue to build a justice system that is firm but fair, compassionate but strong. A justice system that restores trust and inspires hope. At sa pagtataguyod natin ng Bagong Pilipinas, we will make sure that those who uphold the law will be upheld by the State in return,” pagtatapos ni Romualdez. (END)


@@@@@@@@@@@


PAGSUSULONG NG ANTI POLITICAL DYNASTY LAW BAHALA NA ANG 20TH CONGRESS


DAHIL SA KAKULANGAN NA NG PANAHON BAHALA NA ANG PAPASOK NA 20TH CONGRESS NA TALAKAYIN ANG PANUKALANG BATAS UKOL SA PAGBABAWAL NG POLITICAL DYNASTY.


SINABI NI HOUSE DEPUTY MAJORITY LEADER ILOILO REPRESENTATIVE LORENZ DEFENSOR BAGAMAT MAY NAKABINBIN NA ANTI POLITICAL DYNASTY LAW NGAYONG 19TH CONGRESS HINDI ITO UMUSAD SA KONGRESO.


INIHAYAG NAMAN NI HOUSE QUAD COMMITTEE OVERALL CHAIRMAN SURIGAO DEL NORTE REPRESENTATIVE ROBERT ACE BARBERS NA KAILANGANG MAGKAROON NG MALINAW NA DEFINITION NG POLITICAL DYNASTY.


MULING NABUHAY ANG ISYU SA ANTI POLITICAL DYNASTY LAW DAHIL SA REPORT NA 80 PERCENT NG MGA TUMATAKBO SA POSISYON SA GOBYERNO NGAYONG 2025 MIDTERM ELECTION AY PURO MAGKAKAMAG-ANAK.


@@@@@@@@@@@@


Speaker Romualdez pinuri ang PNP sa pagbaba ng krimen, mabilis na pag-aresto sa Antipolo road rage suspect



Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mas matatag at epektibong pagpapatupad ng batas sa ilalim ng administrasyong Marcos na nagresulta sa pagbaba ng bilang ng focus crimes at ang mabilis na pag-aresto sa suspek sa Antipolo road rage shooting.


Binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga repormang nagpabuti sa pagpigil ng krimen at mabilis na pagtugon ng pulisya, na aniya’y nagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at patunay na umiiral ang batas.


“I commend the PNP, under the leadership of Gen. Marbil, for demonstrating stronger, smarter policing—from the sharp drop in focus crimes nationwide to the swift arrest of the Antipolo road rage suspect,” ani Speaker Romualdez, ang pinuno ng 306 kinatawan sa Kamara.


“These results reflect discipline, innovation, and a renewed commitment to public safety. The Antipolo incident, in particular, shows how far the PNP has come in terms of speed and responsiveness,” ayon pa kay Speaker Romualdez, isang abogado mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).


Tinutukoy ni Speaker Romualdez ang insidente noong Marso 30 sa Marcos Highway, Boso-Boso, Antipolo City, kung saan ang isang mainitang pagtatalo sa kalsada ay nauwi sa pamamaril na ikinasugat ng apat na indibidwal, kabilang ang kasintahan ng suspek. 


Nagpasalamat din ang kongresista sa mga pulis sa mabilis na pag-aresto sa itinuturong gunman, ang 28-taong gulang na negosyanteng si Kenneth Alajar Bautista. 


“Salamat sa inyong hindi matatawarang serbisyo at pagtupad ng buong katapatan at katapangan sa inyong tungkulin,” ani Speaker Romualdez, patungkol sa mga pulis na ginawaran ng Medalya ng Kagalingan ng PNP sa pangunguna ni Gen. Marbil bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng batas.


Kabilang sa mga ginawaran ng parangal sina Police Lieutenant Orlando Santos Jalmasco, Police Chief Master Sergeant Ranel Delos Santos Cruz, Police Corporal Kaveen John Rubia Vea, Police Corporal Joeban Acosta Abendaño, Police Corporal Niño Cipriano Chavez, Patrolman Reylan Rivarez De Chavez, Patrolman Michael Keith Lalican Panganiban, at Patrolman John Mark Bacli Manahan.


Binigyang-diin ng Speaker na ang mabilis na aksyon sa mga high-profile na insidente tulad nito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na walang puwang ang krimen at impunity sa ating lipunan.


“When criminals are caught within minutes—not days—it sends a powerful message: there are no safe havens for lawbreakers in this country,” ayon pa sa kongresista.


Ayon sa datos ng PNP, bumaba ng 26.76% ang focus crimes—mula 4,817 kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, patungo sa 3,528 kaso sa kaparehong panahon ngayong taon.


Kabilang sa mga focus crimes ang heft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping ng motorsiklo at sasakyan. Sa mga ito, panggagahasa ang may pinakamalaking pagbaba, na bumagsak ng mahigit 50%.


Samantala, ang taunang datos ay nagpapakita rin ng 7.31% na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 kaso noong 2023 patungong 38,667 kaso ngayong 2024.


Nauna nang pinuri ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, na minsang naging hepe ng PNP, ang kapulisan sa malaking pagbaba ng krimen. Aniya, patunay ito sa epektibong police visibility, crime prevention initiatives, at community-based policing.


Sinegundahan ni Speaker Romualdez ang pahayag ni Lacson at binigyang-diin na “dedication, discipline, and smarter law enforcement” ang dahilan ng mahusay na performance ng PNP.


Idiniin din ng pinuno ng Kamara na mahalagang mapanatili ang progresong ito, kaya dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na kagamitan, pagsasanay, at suporta ang mga pulis upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.


“We cannot afford to lose this momentum. Let this be a wake-up call to would-be offenders and a reassurance to every law-abiding Filipino—peace and order is non-negotiable, and the government under the leadership of President Ferdinand R. Marcos Jr. will act swiftly and decisively,” ani Speaker Romualdez.


Muling tiniyak ng Speaker ang buong suporta ng House of Representatives sa lahat ng hakbang na magpapalakas sa kakayahan ng PNP.


“We will continue supporting legislation and programs that empower our police force. Every Filipino deserves to live without fear—and that begins with a police institution that delivers on its duty,” aniya. (END)


@@@@@@@@@@@@


ANTI-ROAD RAGE BILL, PINASI-SERTIPIKAHANG URGENT KAY PBBM


NANINIWALA SI HOUSE QUAD COMMITTEE OVERALL CHAIRMAN ROBERT ACE BARBERS NA WALANG BASEHAN ANG HINIHINGING POLITICAL ASSYLUM NI DATING PRESIDENTIAL SPOKESPERSON ATTY HARRY ROQUE SA GOBYERNO NG THE NETHERLAND.


SINABI NI CONGRESSMAN BARBERS NA WALANG POLITICAL PERSECUTION KAY ROQUE NA GINAGAMIT NIYANG BATAYAN NG PAG-AAPLY NG ASSYLUM.


AYON KAY BARBERS, KAYA PINATAWAN NG CONTEMPT AT NAGLABAS NG ARREST ORDER ANG QUAD COMMITTEE LABAN KAY ROQUE DAHIL SA KANYANG PATULOY NA PAGTANGGI NA ISUMITE ANG MGA HINIHINGING DOKUMENTO HINGGIL SA KANYANG PAGKAKAUGNAY SA OPERASYON NG ILLEGAL NA POGO O PHILIPPINE OFFSHORE GAMING OPERATIONS.


AMINADO SI BARBERS NA MAWAWALAN NA NG BISA ANG ARREST ORDER NG QUAD COMMITTEE KAY ROQUE SA SANDALING MAGSARA NA ANG 19TH CONGRESS SA JUNE 30, 2025 MALIBAN NA LAMANG KUNG MAYROONG KASONG ISINAMPA ANG DEPARTMENT OF JUSTICE.


SI ROQUE AY PATULOY NA NAGTATAGO SA IBANG BANSA PARA IWASAN ANG ARREST ORDER NG KAMARA.


MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-BABALITA PARA SA ARMED FORCES RADIO, BOSES NG KAWAL PILIPINO

No comments:

Post a Comment