Thursday, August 21, 2025

 Rep Abante umalma sa paratang ni Mayor Magalong na ‘moro-moro’ gagawing imbestigasyon ng Kamara


Mariing binatikos ng isang lider ng Kamara de Representantes si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong matapos nitong tawagin na “moro-moro” ang imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng mga anti-flood projects.


Iginiit ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, chair ng House Committee on Human Rights, na anumang akusasyong inilalantad sa publiko ay dapat nakabatay sa malinaw na ebidensya at ipahayag nang may angkop na pag-iingat, lalo’t mabigat ang usaping tinatalakay.


Sinabi ni Abante na mahalaga na makita ang mga ebidensya at gawain ang mga testimonya ‘under oath’ upang malaman kung mayroong basehan ang mga paratang.


“So ang sinasabi ba ni Mayor Magalong na kung moro-moro ang aming imbestigasyon dito sa Kamara, magkakasabwat kami? Konting ingat sana sa mga akusyasyon. Madali magbitaw ng mga salita, pero mahirap ito patunayan,” ani Abante.


“Kung talagang naniniwala siya na may guilty sa ilan sa amin dito, huwag sana niyang lahatin. His statements are an insult to the institution that we work hard to preserve and promote. Sana bawiin na ni Mayor ang kanyang mga sinabi,” dagdag pa ng kinatawan ng Maynila.


Batay sa video clip na kumalat sa social media, nagpahayag si Magalong ng pagdududa sa gagawing imbestigasyon ng Kongreso. Sa ilang pagkakataon, ginamit pa umano niya ang salitang “moro-moro,” na sa karaniwang nangangahulugan na isang palabas o huwad na proseso. 


“If he believes some are guilty, name names, submit documents and testify under oath. That is how we clean up the system,” wika ni Abante.


Binigyang-diin din ng kongresista na ang mga pangkalahatang paratang ay nakakasira sa tiwala ng publiko sa isang imbestigasyong dumadaan naman sa pormal na proseso.


Itinatag na ng Kamara ang isang tri-committee para imbestigahan ang umano’y iregularidad, kung saan inaasahang ipapatawag ang mga testigo at susuriin ang mga dokumento bilang bahagi ng pormal na legislative inquiry. Dagdag pa rito, binigyang-diin na may pagkakataon din si Mayor Magalong na personal na humarap at ilahad ang kanyang nalalaman upang maging bahagi ng opisyal na rekord ng imbestigasyon.


“For me, baka naman nabigla lang si Mayor and he does not really mean na kaming lahat dito sa Kamara ay kasama sa mga akusasyon niya. If this is the case, a public apology is in order. Pwede namang humingi ng paumanhin at nadala siguro siya ng bugso ng damdamin,” wika ni Abante.


“And as Speaker Romualdez said before, lahat kami dito we value transparency and accountability. We will open the door to any witness who brings credible information. Results beat rhetoric every time,” dagdag pa ni Abante. (END)

No comments:

Post a Comment