House Tri-Comm tamang venue para imbestigahan korapsyon sa flood control projects— Valeriano
Naniniwala si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na ang bagong tatag na House Tri-Committee ang tamang venue para mailahad at masiyasat ang mga alegasyon at ebidensya ng umano’y katiwalian sa flood control projects, kabilang na ang mga ibinunyag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang privilege speech.
Sinabi ni Valeriano, ang chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na ang imbestigasyon ay magbibigay-daan upang mailantad sa publiko ang mga umano’y sistematikong kickback mula sa pondo ng flood control projects at bigyan ng pagkakataon ang mga akusado na depensahan ang kanilang sarili kung totoo na sila ay walang sala.
“Kung totoo ‘yung inilatag ni Sen. Lacson, nakakagalit po ‘yun. Nakakasuka nga ang term ko eh ‘yung ganitong sistemang korapsyon,” ayon sa pahayag ni Valeriano sa isang online press conference nitong Huwebes.
Dagdag pa niya: “So imagine-in mo habang binabaha ‘yung taongbayan ay may ilang mga opisyal, may mga negosyante na pinakakakitaan pa ito. Siguro it’s high time now to investigate them. Dapat maimbestigahan nang husto, pangalanan at panagutin din ‘yung mga sangkot.”
Noong Miyerkules ng gabi, inaprubahan ng House plenary ang House Resolution No. 145 na lumilikha ng Tri-Comm o “House Infra Comm” na binubuo ng Committees on Public Accounts, Good Government and Public Accountability, at Public Works and Highways.
Pinamumunuan ang mga ito nina Bicol Saro Rep. Terry Ridon, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, at Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr.
Ayon kay Valeriano, mahalaga ang Tri-Comm investigation upang tuluyang maresolba ang mga paratang na may ilang mambabatas na nakakatanggap ng porsyento mula sa mga kontrata sa flood control.
“Hindi ko naman po sinasabing hindi totoo pero at least kahit papaano malaman natin kung totoo ‘yung sinasabi. Pati ‘yung pinangalanan nilang congressman siguro may time din during the investigation na linisin niya ‘yung pangalan niya or kung talagang sangkot din sya,” wika ni Valeriano.
“Ang Kongreso naman po walang kinikilingan dito. Lahat po dito pantay-pantay at kung may kasalanan ka mananagot ka,” giit niya.
Bilang patunay, tinukoy ni Valeriano ang matagumpay na mga imbestigasyon ng mga naunang komite sa Kamara, tulad ng Quad Comm na nagsiyasat sa POGO operations, drug syndicates at extrajudicial killings noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit din niya ang Committee on Good Government and Public Accountability na nagsagawa ng imbestigasyon na humantong sa impeachment ni dating Vice President Sara Duterte.
“Who knows kapag sinimulan naman itong Tri-Comm marami tayong mabuksan na skeleton in the closet at naniniwala naman po ako na ‘yung mga nasa TriCom ay may dignity naman na mga tao,” ayon sa mambabatas.
“So, simulan na po ‘yan hangga’t maaga rin para malinis din ‘yung pangalan ng kung sino ‘yung mga inaakusahan diyan. Malinis o ma-prosecute,” dagdag ni Valeriano.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Valeriano na hindi patas ang pagbibigay ng malawakang paratang na tila sinasaklaw ang mahigit 300 miyembro ng Kamara.
“Eh imagine-in niyo naman po kung may sinasabi man tayong tiwali na isa o dalawa ha sa hanay namin, eh 300 plus po kami. Eh paglabas namin ang tingin sa amin lahat kaming congressman kasi nga iyong allegation nila mga congressman,” paliwanag ni Valeriano.
“Eh ako naman kung talaga namang merong hawak-hawak na evidence ‘yung mga nag-a-accuse sa amin eh pangalanan na nila dahil para kahit papaano malinis naman ‘yung mga taong walang kinalaman diyan,” dagdag pa ng kongresista.
Kumpiyansa si Valeriano na magiging bukas at tapat ang Tri-Comm sa kanilang proseso at makikipagtulungan sa mga independent investigation upang lumabas ang katotohanan.
“Nagmamatyag naman ang taongbayan. Kapag ho ‘yan ay hindi naging maganda ang resulta, tingin ng taongbayan eh parang zarzuela lang, eh ang mapupulaan din naman diyan kami. Kaya tama po ‘yun,” ayon pa kay Valeriano. (END)
No comments:
Post a Comment