Kasinungalingan ginagamit ni VP Sara para pagtakpan mga kapalpakan— Valeriano
Naniniwala si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na nagpapakalat si Vice President Sara Duterte ng mga kasinungalingan upang mapagtakpan ang kanyang mga kapalpakan at ilihis ang usapan mula sa kanyang kuwestyunableng paggatos ng confidentila funds at hindi magandang performance ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ginawa ni Valeriano ang pahayag matapos buhayin ni Duterte ang dati na nitonga alegasyon na dalawang tao lamang sa Kongreso ang nagpapasya sa badyet ng Pilipinas.
“Masyadong mababa naman ‘yung tingin ng Vice President sa Kongreso kung nasabi niyang dalawa o iilang tao. Ang nag-aapprove po ng budget ay ang buong Kongreso,” ani Valeriano, chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
Binigyang-diin ng mambabatas na dumaraan ang badyet sa pagproseso ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago sumalang sa bicameral conference committee.
Ayon kay Valeriano, muling nagpapakalat si Duterte ng umano’y mga kasinungalingan upang pagtakpan ang kanyang mga panangutan.
“So siguro po ‘yung kinakalat ni Vice President na ‘yan eh mukhang lies na naman po, mukhang kasinungalingan para pagtakpan niya ‘yung ibang mga kapalpakan niya,” aniya.
“Lagi na lang kapag may issue sa kanya, ang ituturo niya, Kongreso. Siguro dapat niya sagutin saan napunta ‘yung confidential fund. Di ho ba bakit masama ang performance o bakit malamya ang performance ng DepEd during her time,” dagdag ni Valeriano.
Sa loob ng kanyang dalawang taong panunungkulan bilang kalihim ng DepEd, inulan ng batikos si Duterte dahil sa mahina at mabagal umanong pamamalakad na lalong nagpalubog sa estado ng edukasyon sa bansa.
Umani rin ng batikos ang ginawa nitong paghingi at paggastos ng daang-milyong confidential funds sa halip na gugulin ang pondo sa pangangailangan ng mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Valeriano na ang pagtatangkang ipasa ni Duterte ang sisi sa Kongreso ay parehong hindi makatarungan at mapanlinlang.
“Huwag na niyang idamay ang buong Kongreso para pagtakpan po ‘yung mga ganung kapalpakan niya,” giit ni Valeriano.
“Eh ang Kongreso po nananahimik and every time meron siyang magiging problema, ituturo po niya lagi ‘yung Kongreso. So parang mali naman po ‘yun,” dagdag niya.
Nagbitiw si Duterte bilang kalihim ng edukasyon noong Hulyo 2024 matapos ulanin ng mga batikos. (END)
No comments:
Post a Comment