Kinuwestyon ng mga kongresista ang pagpasok ni dating Presidential Task Force on Media Security Head Paul Gutierrez sa detention facility ng Senado kung saan naroon ang dating Customs Intelligence Officer na si Jimmy Guban noong 2018.
Sa ika-sampung pagdinig ng Quad Committee sa Kamara ukol sa isyu ng ilegal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte, ginisa ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel si Gutierrez kung bakit siya pumasok sa silid ni Guban.
Kung matatandaan, iniharap sa Senate Blue Ribbon Committee hearing si Guban kaugnay sa pagpuslit ng magnetic lifters na naglalaman ng daan-daang kilo ng pinaniniwalaang shabu kung saan inilaglag niya ang kasamahang si dating Police Col. Eduardo Acierto.
Sa mga naunang pagdinig ng Quad Comm ay naibunyag ni Guban na pumasok umano si Gutierrez sa detention facility kasama ang isang Senate staff kung saan sinasabing pinagbantaan siya na huwag babanggitin sa pagdinig ang mga pangalan nina Atty. Manases Carpio na asawa ni Vice President Sara Duterte, Davao City Representative Paolo Duterte at dating Presidential Economic Adviser na si Michael Yang dahil kung hindi ay mamamatay siya at may mangyayaring masama sa kanyang pamilya.
Pero sa pag-usisa ni Pimentel ay mariing itinanggi ni Gutierrez na pinagbantaan niya si Guban bagama't inamin na totoong pumasok siya para makakuha ng one-on-one interview at kumustahin ang lagay ng kalusugan ng resource person.
Noong mga panahong iyon ay journalist pa umano si Gutierrez sa isang pahayagan at pinahintulutan siya ni Blue Ribbon Chairman Richard Gordon na makapasok sa detention room para kapanayamin si Guban kahit sandali lang.
Hindi ito pinaniwalaan ni Pimentel at ng iba pang mambabatas tulad ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong lalo't hindi anila basta-basta nakakapasok ang media sa detention facility at tila masyadong espesyal si Guban para sadyain at kumustahin ang kalusugan.
Bukod dito, lumabas sa interpelasyon na sa tagal ni Gutierrez na nagco-cover sa Senado ay si Guban lang ang kaisa-isang taong pinuntahan niya sa detention facility kahit na marami nang na-cite-in-contempt sa mga pagdinig.
Kaugnay nito, pinasumite ni Sta. Rosa City Representative Dan Fernandez kay Gutierrez ang mga artikulo na kanyang isinulat kaugnay sa testimonya ni Guban sa Senado./Hajji
————————
Napuna ng mga mambabatas ang napakaraming iregularidad sa isinumiteng mga acknowledgment receipt ng Office of the Vice President at DepEd sa ilalim ng nakaraang pamunuan para sa paggastos ng confidential at intelligence fund.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, sinilip ni 1Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang mga mali-maling petsa sa AR.
Partikular dito ang may petsang December 2023 na ginamit pang liquidate para sa pondo ng 2022.
"Is it not strange, not really strange, it's outright false for it to justify an expense in 2022 but the date is 2023?" tanong ni Gutierrez sa COA.
Sabi pa niya na malabong simpleng pagkakamali lang ito dahil 158 na resibo ang may mali-maling petsa
Kaya duda nya, minadali at hinabol lang ang mga AR para malusutan ang mga nakitang butas ng Commission on Audit.
"I don't think, Mr. Chair, this was a mistake that was committed in December 2022.
This was a mistake that was committed after the fact, after the AOM and after the Notice of Suspension when they were rushing to comply with yung mga butas po ng lahat ng COA. Or if they say typographical error naman, it wouldn't make sense. What's that doing in December 2022? 158 times po nangyari."
Si Antipolo Rep. Romeo Acop, pinuna naman ang iisang tinta ng ballpen na ginamit sa pag-fill out ng AR na pinambayad umano sa mga impormante, magkakatulad na sulat kamay, gayundin ang isang pangalan ng impormante na kapwa lumabas sa OVP at DEPED pero magkaiba ang pirma.
"Kita po natin dito na there are certain things na irregular insofar as the DEPs or acknowledgement receipts submitted by the two offices doon po sa COA...karamihan po ay hindi po totoo. And therefore, if hindi po totoo, hindi natin malalaman kung saan talaga napunta yung pondo, yung confidential fund, until and unless we would be able to grill yung dalawang SDOs. The SDO of the Office of the Vice President and the SDO of the Department of Education." diin ni Acop
Sabi pa niya, na kung hindi totoo ang naturang pinaggastusan ng confidential funds ay maituturing itong technical malversation.
"We can only surmise, Mr. Chair, na yung pondo, dalawa lang ang pupuntahan noon. Kagaya na sabi ko, sa bulsa or nagamit sa ibang bagay, both hindi po tama. Kasi kung ginamit sa ibang bagay, and I think the lawyers of COA would agree with me, that there's technical malversation." sabi pa ni Acop./Kath
———————————
Kinuwestyon ng isang kongresista ang sinasabing pagtaas sa “travel expenses” ng Office of the Vice President o OVP.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Martes --- inungkat ni Nueva Ecija Rep. Mika Suansing ang gastos sa mga biyahe ng OVP.
Batay sa datos na kanyang ipinakita, aabot sa P59.5 million ang travel expenses “local at foreign” ng OVP noong 2023; habang tumaas noong 2024 na umabot sa P62.5 million.
Ani Suansing, ang mga nabanggit na halaga ay mas mataas kumpara sa P20.1 million noong 2022, at P10 million noong 2021.
Tugon naman ni Fahad Bin Abdulmalik Tomawis ng Commission on Audit o COA, bahagi ng pagtaas ng travel expenses ay bunsod ng expansion ng satellite offices at disaster operations ng OVP.
Gayunman, wala umano silang breakdown ng mga naturang gastos.
Ayon naman kay Suansing, mas maganda sana kung dumalo sa pagdinig ang mga taga-OVP para mabigyang-linaw ang usapin, hindi lamang ng confidential funds kundi iba pang halaga na inilalaan sa OVP./Isa
——————-
Nakalabas na ng bansa ang chief of staff ni Vice Pres. Sara Duterte na si Atty. Zuleika Lopez.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong araw, batay sa impormasyon mula sa Bureau of Immigration.
Nabatid na si Lopez ay umalis patungong Los Angeles, California, USA noong kahapon o Nov. 4 o bago ang hearing ng komite ng Kamara, kaugnay sa maling paggamit ng confidential funds ng OVP.
Una nang nag-isyu ng subpoena ang komite sa 7 OVP officials, dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig.
Si Lopez ay kasama rin sa nais ng komite na maisyuhan ng immigration lookout bulletin order o ILBO.
Pero ayon sa BI, wala pa raw silang natatanggap na ILBO mula sa Department of Justice o DOJ.
Sa position paper naman ng mga inimbitahang opisyal ng OVP, iginiit nila ang karapatan na huwag dumalo sa imbestigasyon at “sub-judice” dahil sa umano’y nakabinbing kaso.
Ayon naman kay Manila Rep. Benny Abante, masyadong mabait ang komite dahil subpoena lamang ang iniisyu gayung apat na beses nang no show sa hearing, at malinaw na umiiwas sa mga tanong.
Insulto rin umano ito sa House Panel dahil lumalabas na si VP Sara ang nagsasabi na huwag dumalo ang kanyang mga tauhan./Isa
—————————-
Sa pagsisimula ng pagdinig agad na nagmosyon si Congressman Romeo Acop na i-extend ang naturang hearing 'in aid of legislation' na agad namang naaprubahan ng komite.
Sa opening speech binigyang-diin ni Congressman Joel Chua kung bakit isinasagawa ang pagdinig.
Yan ay para malaman kung saan at paano maaaring samantalahin ang confidential funds, anong mga ahensiya ang karapat-dapat pagkalooban nito, at ano ang dapat ilagay para maiwasan ang pang-aabuso at maprotektahan ang pondo ng taumbayan.
Dagdag ni Chua tatlong tao lamang ang makakasagot nito -- si Vice President Sara Duterte na siya ring Education Secretary noon, at ang special disbursement officer ng DepEd at OVP na sina Edward Fajarda at Gina Acosta.
Kung susumahin naman ay nasa higit 612 million pesos na halaga ng confidential funds na nagastos sa ilalim ng dalawang ahensiya.
No show pa rin ang pitong opisyal ng OVP na nauna nang ipina-subpoena ng komite dahil hindi anila 'in aid of legislation' ang isinasagawang pagdinig.
Sa liham na isinumite sa kamara, sinabi ng mga opiysal na dapat isama sa imbitasyon ang draft bill para sa impormasyon ng resource person.
Napansin anila nilang malaki na ang ipinagbago ng subject matter ng pagdinig at ang mga talakayan ay hindi na nauugnay sa orihinal na usapin para sa referral.
Sinabi rin ng ilang opisyal ng OVP na hindi nila natanggap ang subpoena mula sa kamara. /Pam
—————————
Hindi na konektado si Atty. Michael Poa sa Office of the Vice President o OVP.
Kanya itong kinumpirma sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa sinasabing maling paggamit ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Si Poa ay dati ring undersecretary at tagapagsalita ng Department of Education o Deped noong kalihim pa ng ahensya si VP Sara.
Sa hearing, tinanong ng chairman na si Rep. Joel Chua si Poa kung nasa OVP pa ba siya.
Tugon ni Poa, ang kanyang consultancy contract ay terminated o tapos na.
Nang matanong naman kung alam niya ang estado ng mga taga-OVP na sinubpoena ng komite, sinabi ni Poa na noong nasa OVP pa siya ay naroroon din ang mga naturang OVP officials.
Pero sa ngayon, hindi umano niya masabi o makumpirma dahil nagpaalam siya sa OVP bago pa ang nakalipas na hearing ng House Committee.
Ngunit kung pagbabatayan ang sulat sa komite ng mga naturang taga-OVP, nasa opisina pa rin sila ng bise presidente./Isa
—————————
Nagbabala ang House Committee on Good Government and Public Accountability na papatawan ng mas mabigat na parusa ang pitong opisyal ng Office of the Vice President.
Sa ikaapat na pagdinig ng komite ukol sa isyu ng umano'y maling paggamit ng confidential funds, hindi na naman sumipot ang pitong opisyal ng OVP at sa halip ay muling iginiit ang position paper na nagsasaad ng kanilang karapatan na huwag dumalo sa imbestigasyon at "sub judice" dahil sa pending cases sa korte.
Dahil dito ay nag-mosyon si ABANG LINGKOD Party-list Representative Joseph Stephen Paduano na muling maglabas ng subpoena ad testificandum laban sa mga opisyal.
Kabilang na rito ang Chief-of-staff ng OVP na si Atty. Zuleika Lopez at ang mag-asawang Edward at Sunshine Fajarda.
Pero sinabi ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. na tila masyado nang mabait ang komite dahil apat na beses nang binabalewala ng OVP officials ang imbestigasyon at malinaw na umiiwas na sila sa mga tanong.
Insulto aniya ito sa House panel lalo't siguradong si VP Sara umano ang nagsabi sa kanilang huwag dumalo sa pagdinig.
Payo pa ni Abante sa mga ito, sana'y humarap na sila sa ikalimang pagdinig at huwag hamunin ang komite na magpataw ng contempt order laban sa kanila.
Una nang hiniling ni Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua sa Department of Justice na maglabas ng lookout bulletin order laban sa pitong opisyal ng OVP./Pam
—————————
Pinasisiyasat ng isang solon sa Kamara ang umano’y maanomalyang pagtaas ng bilang ng mga bagong botante sa ilang mga barangay, munisipalidad o siyudad, at probinsya sa bansa.
Umapela si Cagayan de Oro 1st district Rep. Lordan Suan sa Liderato ng Kamara de Representantes sa kanyang privilege speech, na silipin ang isyu “in aid of legislation” upang matukoy kung ano-ano ang mali sa kasalukuyang batas, at tuloy na papanagutin ang mga nasa likod na iligal na gawain.
Marapat na malaman ng bayan ang umano’y modus na maaaring nagagamit para sa “political gain,” lalo na sa papalapit na Eleksyon 2025.
Sinabi ni Suan na mismong ang Commission on Elections o Comelec ang nagsiwalat na mayroong umanong irigularidad savpagdami ng mga bagong botante sa ilang lugar gaya ng sa Batangas, Makati, Nueva Ecija, at Cagayan de Oro.
Ayon sa kanya, normal ang 5% na pagtaas sa voting population ngunit ang 10 hanggang 20% na pagtaas ay maituturing na “red flag” at masyado rin umanong kaduda-duda ang 40 hanggang 55% surge.
Nauna nang tinanong ni Comelec Chairman George Garcia, kung may “gold rush” ba sa mga naturang lugar.
Posible rin umano na ang abnormal na pagtaas ng voting population ay pakana ng ilang indibidwal na nag-uudyok sa mga tao na lumipat ng registration kapalit ng pera, trabaho, ayuda at iba pang serbisyo para paburan ang ilang politiko./Isa
—————————
Ibinida ni House Speaker Martin Romualdez ang mga bagong amiyenda na ipinaloob sa 2025 proposed national budget na inaasahang magsusulong ng mas matatag na komunidad at magpapaigting sa social services.
Sa kanyang opening address sa pagbabalik ng sesyon sa Kamara, binigyang-diin ni Romualdez na nalampasan ng bansa ang malawak na epekto ng El Niño at pagbaha na nagdulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng mamamayan.
Bilang tugon ay magiging prayoridad aniya ng budget ang strategic shift mula sa tradisyunal na flood control patungo sa komprehensibong water management initiatives.
Kabilang na rito ang water impounding systems na magha-harvest ng tubig-ulan, mga solusyon sa pagbaha at pagtitiyak na sapat ang tubig tuwing dry season.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Romualdez na naglaan ang Kamara ng 293.23 billion pesos upang palakasin ang social services pati na ang social safety nets at seguridad sa pagkain.
Hiwalay pa umano ito sa 591.8 billion pesos na alokasyon ng Department of Budget and Management para sa cash assistance sa mahihirap na pamilya.
Susuportahan naman ng enhanced budget sa susunod na taon ang mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, Ayuda sa Kapos ang Kita Program, sustainable livelihood, TUPAD, Government Internship Program, Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong program./Hajji
————————
Isang art at fashion exhibit ang inilunsad sa Batasan Pambansa, na layong suportahan ang mga sundalo at matulungan ang mga biktima ng Bagyong Kristine.
Matapos buksan ang sesyon, pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbubukas ng “Philippines’ Finest 2024” na inisyatibo ng Congressional Spouses Foundation Incorporated o CSFI.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Romualdez sa CSFI na napiling tulungan ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines o AFP, at mga nasalanta ng bagyo na kumitil sa higit 100 tao at naka-apekto sa milyong-milyong Pilipino.
Kabilang sa mapupuntahan ng proceeds ay ang pagtatayo ng Casualty and Cancer Care Center sa AFP Medical Center sa Quezon City.
Kasama naman sa mga mabibili sa exhibit ay mga painting ng local artists, mga damit at iba pang produkto ng local artisans at designers.
Ang exhibit ay matatagpuan sa North Wing Lobby ng Kamara, at magtatagal hanggang Nov. 28, 2024./Isa
—————————
Inihain sa Kamara ang House Bill 11-0-0-4 o ang ‘Kian Bill’ na layong makapagbigay ng makataong solusyon at proteksyon para sa karapatang pantao ng mga nasasangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña,
kabaliktaran ito ng madugong war on drugs ng Duterte administration kung saan nasa higit tatlumpung libo ang nasawi.
Nais nitong maiwasang mayroon pang masawing mga inosenteng indibidwal katulad ni Kian Delos Santos na napatay noong 20-17.
Dagdag pa ni Cendaña, sa halip na dahas at bala ay nais ng panukalang magbigay ng karampatang lunas at direktang lingap sa mga drug user at ipagbawal ang paggamit sa ilang hakbang gaya ng Tokhang o drug list, torture, at unlawful police interference.
Mayroon na ring kahalintulad na panukala sa Senado ang Kian Bill na layon namang magbigay ng community-based health approach and social support interventions./Pam
———————
Kinilala at pinasalamatan ni Speaker Martin Romualdez ang mga kasamahang mambabatas sa kanilang pag-tulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, kahit pa naka-break ang Kongreso.
Sa kaniyang mensahe sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara, sinabi ni Romualdez na marami sa mga mambabatas ang hindi nag-atubili na tumulong kahit panahon sana ng pahinga ng Kongreso.
Giit niya na ipinakita ng mga mambabatas sa mga Pilipino, kung paano ang tunay na paglilingkod.
“May our heartfelt prayers and unwavering solidarity serve as a source of hope and healing in this time of immense sorrow. I extend my heartfelt gratitude and congratulations to each and every one of you in the face of Typhoon Christine, a calamity that swept through communities, destroyed homes, and disrupted lives. Many of you did not hesitate to set aside what should have been a period of rest. You mobilized, responded, and reached out to those in need, showing our countrymen what it truly means to serve. Our recent break intended for restoration and recuperation became a period of relentless work. Despite the demands and sacrifices it entailed, you showed unwavering dedication.” Sabi ni Speaker Romualdez
Sabi pa niya na tunay na maipagmamalaki ang mga miyembro ng Kapulungan na sabay na ginagampanan ang kanilang responsibilidad sa mga distrito at pakikiisa sa relief efforts.
“I commend each of you for this selfless commitment to our mission and to the people we serve. You are a credit to this institution, and I am immensely proud to stand with you today. Maraming salamat sa magap ninyong pagkilos. Saludo po ako sa malasakit may pinakita ninyo sa ating mga kababayan. As we reconvene for another legislative cycle of lawmaking, a task we have committed to undertake with urgency and passion.” Dagdag pa niya
Muli rin niyang ipinaabot sa mga apektado ng bagyong Kristine, lalo na ang mga nawalan ng mahala sa buhay na kaisa ang Kamara sa kanilang pagdadalamhati at pag-alala sa nasa 100 buhay na nawala.
“First and foremost, in accordance with Proclamation No. 728 issued by President Ferdinand R. Marcos, Jr., declaring November 4, 2024, as a day of national mourning, we come together as a nation to honor the more than 100 lives lost in the wake of the severe Storm Christine. We mourn with our families, loved ones, and communities who bear the weight of this tragic loss. And we share in this moment a profound grief. Let us find strength in our unity and offer comfort and support to those who have lost so much.” Sabi pa ng House leader. /Kath
—————————
Umapela si House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources chairman Brian Yamsuan kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na maisabatas na ang panukalang P30 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, at Pantawid Pambangka Program.
Ito ay kasunod ng pananalasa ng mga bagyong Kristine at Leon, na lubos na naka-apekto sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ayon sa kongresista, hindi “overnight” ang pagbangon mula sa epekto ng mga kalamidad. Sa halip, kailangan ng tuloy-tuloy na pagtulong sa mga nasalanta.
Ang panukala palawigin ang RCEF ay kapwa ratipikado na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso. Kapag naging ganap na batas, nasa 2.4 milyong magsasaka ang makikinabang.
Habang sa ilalim ng Pantawid Pambangka Program, bibigyan ng buwanang isang libong pisong fuel subsidy ang mga mangingisda, maliban pa sa ibang alokasyon at kagamitan.
Batay sa pinaka-huling datos, pumalo na sa halos P6 billion ang pinsala ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura, kung saan lagpas 132,000 na magsasaka at mangingisda ang apektado./Isa
——————————
Umaasa pa rin si Tingog party-list Rep. Jude Acidre na maisakatuparan ang pagpapatibay sa batas na bubuo sa Department of Disaster Resilience.
Sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ngayong araw, umaasa si Acidre na matutukan na rin ang isa mga panukalang isinusulong ng Tingog party-list kasunod na rin ng pananalasa ng bagyong Kristine.
“I just also hope that we will be able to look into the Department of Disaster Resilience. Ito’y personal na namin sa Tingog. It's been our strongest advocacy and hopefully the events of the recent months will further validate the need for a Department of Disaster Resilience.” ani Acidre
Sabi pa ng kinatawan na pinakamainam na paraan upang kilalanin ang alaala ng mga nasawi dahil sa bagyo ay ang pagsiguro na hindi na muling maulit pa ang trahedya.
Bagamat hindi naman talaga aniya mapipigilan ang paggalaw ng kalikasan, mahalaga na mayroong sapat na paghahanda para maiwasang magkaroon ng malaking pinsala lalo na ang pagkawala ng buhay.
“Palaging paulit-ulit namin itong mensahe panahon pa ng Yolanda.The perfect way to really recognize what has happened is to really work towards making sure that this does not happen again.” dagdag ng kinatawan
Malaki naman ang pasasalamat ni Acidre na nabigyan sila ng pagkakataon na makibahagi sa malawakang relief efforts ng pamahalaan para sa mga apektado ng bagyong Kristine.
Aniya, katuwang ang Office of the Speaker, Ako Bicol party-list at iba pang district representatives ay nakapagpaabot sila ng mga kinakailangang tulong sa mga sinalanta ng bagyo.
Hiling lang din ng kinatawan na sa panahon ngayon, hindi dapat mahaluan ng kulay politika ang pagpapaabot ng tulong para sa mga kababyang Pilipino.
“Natutuwa naman kami sa Tingog party list na nabigyan kami ng pagkakataon in our own way na maka contribute sa overall effort. Hindi man natin maibabalik yung buhay nung mga nawala. I hope that with the help that we are able to send, we can accompany naman yung mga naiwan nilang pamilya.” sabi pa ni Acidre. /Kath
—————————
Nakikiisa ang buong Kamara sa paggunita ng Day of National Mourning ngayong Nov. 4, o pakikiramay sa mga pamilya at mga mahal sa buhay ng mga taong nasawi dahil sa Bagyong Kristine.
Sa ngayon, ang watawat ng Pilipinas sa compound ng Batasan Pambansa ay inilagay sa half-mast, alinsunod sa Proclamation no. 728 na inisyu ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pahayag, nanawagan si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga Pilipino sa mag-alay panalangin, at magpakita ng kabutihan sa gitna ng pagbangon mula sa kalamidad.
Aniya, ang araw na ito ay paalala sa mga Pinoy na isa tayong nasyon na hindi lamang nagpapakita ng “resilience” o katatagan, kundi damayan ng isa’t isa.
Tiniyak ng lider ng Kamara sa mga biktima na kaisa nila ang Kapulungan, at gagawin ang lahat upang makatulong sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo. /Isa
—————————
Isinusulong ni Representative Wilbert Lee ang panukalang batas na mag-aamiyenda sa Universal Healthcare Act upang maitaas ang benepisyo at maibaba ang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Batay sa inihaing House Bill 10995, nais na ma-institutionalize ang komprehensibo at angkop na dagdag sa PhilHealth benefits.
Nakapaloob sa panukala ang probisyon na ire-review ng Health Technology Assessment Council at i-a-assess ang halaga ng bawat PhilHealth benefit package upang masigurong updated ang mga ito.
Sinabi ni Lee na maraming hamon at isyu ang nagsisilbing balakid sa layunin ng UHC kabilang ang kakulangan sa legal provisions na nagbibigay ng mandato sa regular at periodic review sa pagtugon ng benefit packages na dapat ay magbababa sa gastusin ng mga Pilipino.
Kasama rin sa review ang umano'y sablay na pangangasiwa ng pondo at public health emergencies na nakakaapekto sa implementasyon ng batas.
Paliwanag nito, ilang taon na mula nang maisabatas ang UHC ngunit nangangamba pa rin ang mga Pilipino sa pagkakasakit dahil sa takot na malubog sa utang dulot ng pambili ng gamot at pambayad sa ospital.
Bukod dito, sa halip na 5 percent ang premium contributions para sa taong 2024 at 2025, ibababa ito ng panukala sa 4 percent at 4.25 percent. /Hajji
Bibigyan naman ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na suspendihin ang premium contribution increase sa panahon ng state of national emergency, public health emergency o state of calamity.
No comments:
Post a Comment