Pinasisiyasat ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa Committee on Health ang umano’y hindi nagamit at na-expire na na milyun-milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng pandemya.
Sa House Resolution 191 ni Libanan, nais niyang paimbestigahan sa Kamara ang tinawag niyang nakaka-bahalang ulat ukol sa nasayang at napanis na mga bakuna.
Sinabi ni Libanan na target ng Department of Health o DOH na makapagturok ng COVID-19 booster shots sa 11 hanggang 23 milyong “fully vaccinated” na na mga indibidwal sa bansa sa unang 100 araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kanya, may mga report na mula noong Abril hanggang Hulyo ngayong 2022, nasa 4 na milyon hanggang 27 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang hindi nagamit at na-expire lamang na ang halaga ay aabot sa P5 billion hanggang P13 billion.
Bagama't sinasabing nasa “tolerable level” o katanggap-tanggap na antas ng “vaccine wastage” ang napaulat na expired na mga bakuna, ikinatwiran ni Libanan na ang bilyong-bilyong pisong halaga naman ng mga ito ay sadyang nakakahinayang.
Giit pa ng lider ng Minorya sa Kamara, kailangang umaksyon o magsumikap din ang pamahalaan upang mabawasan ang vaccine wastage, at maging transparent o tapat sa paglalabas ng ulat ukol sa mga napapasong bakuna upang matukoy ang dahilan at magpatupad ng epektibong “intervention” para rito.
Sa pinakahuling ulat ng DOH, mula sa higit 200 million doses ng bakuna na donasyon o kaya’y binili ng gobyerno, nasa 6.6% ang vaccine wastage na pasok pa rin sa standards ng international organizations gaya ng World Health Organization o WHO.
No comments:
Post a Comment