Sunday, October 13, 2024

RPPt 13-18 October

Confidential funds ni Duterte posibleng ginamit sa Duterte war on drugs- Rep. Castro 



Naniniwala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na posibleng ginamit ang confidential funds ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang reward ng mga pulis na nakakapatay ng drug suspects kaya dumami ang mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs) sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.


Sa pagdinig ng House Quad Committee noong nakaraang Biyernes, tinanong ni Castro si dating General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma tungkol sa umano’y paglabas ng pondo na ginamit para pondohan ang mga extrajudicial killings (EJKs)


“You think iyong pera po ay isang source ng pinagkukuhanan ng rewards ay iyong confidential funds or intelligence funds?” tanong Castro. 


Hindi naman direktang kinumpirma ni Garma ang alegasyon, at sinabing, “Ayoko pong mag-speculate po, Your Honor.”


Sa naturang pagdinig ay binasa ni Garma ang kanyang sinumpaang salaysay na tuwirang nag-uugnay kay Duterte sa pagsasagawa ng pambansang kampanya na nagresulta sa mga extrajudicial killings (EJKs) ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.


Ang sinumpaang salaysay ay hindi lamang nagbunyag ng umano’y reward system na mistulang humikayat sa mga pagpatay, kundi nagbigay rin ng detalye sa umano’y papel nina Duterte at ng kanyang malapit na kaalyadong si Sen. Christopher “Bong” Go, sa pangangasiwa at pag-uugnay ng mga operasyon laban sa droga.


Tinutukan ni Castro ang sinasabing daloy ng pondo mula kay Go patungo kay dating Chief Police Col. Edilberto Leonardo ng Criminal Investigation and Detection Group Region 11, pati na rin sa ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba mula sa mga ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Corrections


“So, makikita natin, Mr. Chair, ang driving factor bakit marami po iyong pinatay na mga mahihirap ay dahil may rewards,” ayon kay Castro.


Bagamat kinumpirma ni Garma ang reward system, hindi naman niya tinukoy kung saan nagmumula ang pondo.


Dagdag pa ni Castro, inugnay niya ang mga pangunahing tauhan na malapit kay Duterte, kabilang sina Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang unang PNP Chief sa ilalim ni Duterte, na nangasiwa sa daloy ng pondo


“Si Sen. Bong Go at Sen. Ronald Bato ay talagang close kay PRRD,” saad ni Castro.


Itinuro naman ni Garma na si Leonardo na siyang nangangasiwa sa pamamahagi ng pondo para sa pabuya, at sinabing limitado ang kaniyang nalalaman hinggil sa detalye nito.


Sa kanyang interpellation, ipinunto rin ni Castro ang mistulang pamimili ng isasama sa listahan ng mga drug suspect gaya ng hindi paglalagay sa pangalan ng negosyanteng si Michael Yang, habang isinaman naman si Peter Lim, na isa umanong drug lord sa Visayas.


Si Yang, na dati nang nagsilbi bilang economic adviser ni Duterte, ay iniuugnay sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa Mindanao at sa importasyon ng shabu na nahuli sa Pampanga.


Ang palitan ng impormasyon ay nagpatibay sa akusasyon ni Castro na ang mga confidential at intelligence funds ni Duterte ay maaaring nagbigay-pondo sa reward system na konektado sa mga extrajudicial killings (EJKs) sa kampanya laban sa droga.


Habang hindi tuwirang kinumpirma ni Garma ang koneksyon, ang mga tanong ni Castro ay nagbigay-diin sa mga hinala tungkol sa posibleng maling paggamit ng mga pondo sa ilalim ng administrasyon ni Duterte at ang deadly-tactics sa kanyang kampanya laban sa droga


Inamin din ni Garma na maraming opisyal ang nakakaalam tungkol sa daloy ng pondo ngunit takot na magsalita.


“Lahat po sila—lahat po ng officer na nandito po sa loob—alam po nila iyan; public knowledge lang po. Ako lang po ang naglakas loob magsabi,” ayon kay Garma.


Sinabi rin ni Garma sa Quad Committee na naglalaro mula P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa mga nakakapatay ng drug suspect, depende sa kahalagahan ng target. (END)


————————-


Pondo na pantulong sa mga nangangailangan dinagdagan ng House panel



Para mas maraming matulungan, dinagdagan ng komite ng Kamara de Representantes ng P292.23 bilyon ang panukalang pondo para sa social services na pantulong sa mga nangangailangang Pilipino at matiyak ang suplay ng murang pagkain.


Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Appropriations committee ang naturang pondo ay bukod pa sa P591.8-bilyon na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program na pinagbasehan ng inaprubahang General Appropriations Bill ng Kamara de Representantes.


Ang naturang mga pondo ay nakapaloob sa P6.352-trilyong pambansang budget para sa 2025 na nakatuon sa pagtulong sa mga bulnerableng sektor tulad ng mga financially-challenged students, mga magsasaka, mangingisda, sundalo, at mahihirap na pamilya.


"The additional funding is crucial for supporting those in need. We're providing assistance to struggling families especially during these challenging times," ayon kay Co. 


Kasama sa mahahalagang pagbabago sa 2025 GAB ang karagdagang P39.8-bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na layuning magbigay ng agarang suporta sa mga dumaranas ng pinansyal na kahirapan.


Dahil sa malawak na pagtanggap at panawagan ng publiko para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), naglaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng karagdagang P39.8-bilyon para sa tulong pinansyal na nakatutok sa mga kumikita ng P21,000 o mas mababa kada buwan. Ang halagang ito ay tatlong beses na mas mataas kaysa sa aktwal na alokasyon na P13-bilyon para sa 2024.


Ayon kay Co, ang AKAP ay nakatuon sa ‘near poor’ o ‘lower middle class’ na bahagi ng populasyon na kinabibilangan ng mga minimum wage earners na walang mapagkukunang pondo sakaling magkaroon ng emergency tulad ng biglaang pagkamatay ng kumikita sa pamilya, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, o mabilis na pagtaas ng presyo na maaaring magdala sa kanila pabalik sa kahirapan.


Naglaan din ang Kamara ng P3.4 bilyon para sa Sustainable Livelihood Program para sa mga pamilyang may mababang kita."We believe that empowering individuals through livelihood programs will help break the cycle of poverty,” ayon pa kay Co.


Binibigyang-diin ni Marikina Representative Stella Quimbo, Senior Vice Chairman ng Appropriations Committee, ang kahalagahan ng mga proaktibong hakbang sa panukalang budget. Ayon sa kanya, makakatanggap ang Department of Labor and Employment ng karagdagang P20.28 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at sa Government Internship Program.

 

"We must have funds on standby to support those who have crossed the poverty threshold to prevent them from falling back into poverty due to economic challenges. This budget is not just about numbers; it's about the lives we can uplift," ayon kay Quimbo.


Sa karagdagang hakbang upang suportahan ang edukasyon, naglaan ang komite ng Kamara ng dagdag na P30.01 bilyon para sa mga scholarship ng mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa kolehiyo. Ang pondong ito ay pantay na hahatiin sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong programs ng Commission on Higher Education.


"Investing in education is investing in the future. Every child deserves the chance to learn and succeed,”  ayon pa kau Quimbo, dating professor sa economics sa University of the Philippines at visiting professor sa Erasmus University Rotterdam sa Netherlands.


Ayon pa sa mambatatas, ang Department of Education ay makikinabang mula sa karagdagang P7-bilyong budget para sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad ng paaralan at pagsasaayos ng mga kasalukuyang pasilidad. Ang pondong ito ay naglalayong tugunan ang kagyat na pangangailangan para sa mas mahusay na imprastruktura sa edukasyon, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyo.


Samantala, makakatanggap naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang P8.44 bilyon para sa pagtaas ng subsistence allowances ng mga militar. Kapag naaprubahan, ang araw-araw na subsistence ng mga sundalo ay magiging P250, na nagtatala ng 67% na pagtaas mula sa mga nakaraang halaga.


Ang karagdagang pondo para sa araw-araw na subsistence ng mga nakatalagang sundalo ay inisyatiba ni House Speaker Martin Romualdez bilang tugon sa mga panawagan ng mga kawani ng militar na madalas niyang nakakasalamuha.


"Our soldiers deserve the extra allowance. This is a small price to pay for their sacrifice and for defending our country from both internal and external threats," pagdidiin pa ni Romualdez. 


Makakatanggap din ang AFP ng karagdagang P3.2 bilyon upang tapusin ang pagpapalawak ng paliparan sa Pag-asa Island kasama ang isang shelter port sa Lawak, Palawan. Ang mga ito ay bahagi ng mga pagsisikap na ipagtanggol ang West Philippine Sea laban sa patuloy na panghihimasok ng China.


"Investing in our military not only supports our soldiers but also strengthens our national security and sovereignty. This also underscores our commitment to protect our territorial integrity," saad pa ni Co.


Sa layuning mapabuti ang seguridad sa pagkain, inilipat ng komite ang P30 bilyon para sa Philippine Irrigation Network Piping System ng Department of Agriculture, mga solar-powered irrigation systems, at mga proyekto para sa cold storage. "Food security is a priority for our nation, and these investments will help ensure that our farmers can thrive," ayon kay Co.


Dagdag pa rito, ang inilaang P44 bilyon sa budget ng National Irrigation Administration para sa pagtatayo ng mga pump irrigation at mga proyekto ng solar-driven pump irrigation.


Tatanggap rin ang Department of Health ng karagdagang P56.87 bilyon, na layuning pagbutihin ang Health Facility Enhancement Program, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program, at ang mga specialty at legacy hospitals. 


Maglalaan din ng P1 bilyong pondo para sa pagpapahusay ang serbisyo ng University of the Philippines-Philippine General Hospital, isang mahalagang pasilidad sa health care system ng bansa.


"Healthcare is a fundamental right, and we must ensure that all Filipinos have access to quality medical services,” ayon pa kay Co. (END)


————————-


Speaker Romualdez ibinida pag-unlad ng Pilipinas sa larangan ng siyensa, teknolohiya, inobasyon sa pamumuno ni PBBM



Ibinida ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa international community ang mga nakamit na pagbabago ng Pilipinas sa larangan ng siyesya, teknolohiya at inobasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. 


Sa kaniyang pagharap sa ika-149 Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland nitong Lunes (oras sa Switzerland) inihayag ni Speaker Romualdez ang pagtutulungan ng Pangulo at Kongreso sa pagsusulong ng siyensya, teknolohiya at inobasyon para sa pagpapa-unlad ng bansa.


Bilang bahagi ng legislative priority ni Pangulong Marcos, binuo aniya ang National Innovation Council para masiguro na ang inobasyon ay nakapaloob sa mga prayoridad na hakbangin ng bansa para sa pagkamit ng sosyo-ekonomikong pag-unlad.


Ang konseho na pinamumunuan ng Pangulo ay mayroong susunding National Innovation Agenda and Strategy Document.


Nilalaman nito ang mga hangarin para sa pangmatagalang mithiin ng Pilipinas pagdating sa inobasyon at ang road map ng mga istratehuya sa kung paano pagbutihin ang  innovation governance, pagpapalalim at pagpapabilis sa inobasyon at pagsasama ng public-private partnerships para masigurong walang Pilipino ang maiiwan.


Pagbabahagi pa ng lider ng Kamara na nanguna sa delegasyon ng Pilipinas sa IPU Assembly, nakasuporta ang Kongreso ng Pilipinas sa 2030 Agenda for Sustainable Development, at nakapagpasa ng mga batas para pag-ibayuhin ang innovation governance sa Pilipinas


Kabilang dito ang Republic Act No. 11293, o “Philippine Innovation Act;” Republic Act No. 11927, o “Philippine Digital Workforce Competitiveness Act;” at Republic Act No. 10055, o “Technology Transfer Act of 2009.”


Sabi naman ni Speaker Romualdez ang mga inisyatibang ipinatupad ay nagbunga ng mga resulta para sa bansa.


Mula pang-59 na pwesto noong 2023 ay umakyat ang Pilipinas sa ika-56 ngayong taon sa 2024 Global Innovation Index ng World Property Organization, na sumusukat sa innovation-based performance ng130 higit na mga ekonomiya 


Kinilala rin sa naturang ulat ang Pilipinas bilang isa sa top innovation performers ng dekada na nakamit ang pinakamataas nitong ranggo na pang-50 noong 2020 sa kabila ng pandemiya.


Ipinaliwanag din niya ang naturang mga batas na pinayayabong ang siyensya teknolohiya at inobasyon.


Tutugunan ng Digital Workforce Competitiveness Act ang kakulangan sa digital technology at kasanayan sa pamamagitan ng mga programa na magbibigay ng dagdag kaalaman sa mga Pilipino para makipag kumpitensya sa global labor market. 


Titiyakin nito ang suporta sa digital workforce sa pamamagitan ng mga co-working facilities at pautang na may concessional terms. 


Magpapatupad din ng mga training, skills development at certification program para sa digital career sa ilalim ng public-private partnerships.


Layon naman aniya ng Technology Transfer Act na isulong ang pagkakaroon ng paglilipat at komersyalisasyon intellectual property, technology at knowledge na resulta ng mga pagsasaliksik at development programs na pinondohan ng pamahalaan para sa benepisyo ng ekonomiya ng bansa.


Sa ilalim ng 2023-2028 Philippine Development Plan, binigyang halaga ng pamahalaan ang innovation sa pagkamit ng mas malalim na pagbabago sa  sosyo-ekonomikong pagbabago.


Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang PAGTANAW 2050, ang unang DOST-funded inter-disciplinal at trans-disciplinal project para sa isang nakatuong Science Technology Innovation Foresight and Strategic Plan.  


Koleksyon ito ng mga nais makamit sa larangan ng science, technology at innovation sa pambansa at pandaigdigang aspeto, mga hangaring pang lipunan, trans-disciplinary operation areas, at ang mga kasalukuyan at umuusbong na mga teknolohiya na mahalaga sa pagunlad ng bansa at naka-angkla sa mga pagnanais ng mga Pilipino.


“With all these legislation, policies and programs, in terms of innovation governance, the Philippines’ Global Innovation Index has been increasing over the last decade. In fact, the Philippines is recognized as one of the middle-income economies with the fastest innovation catch up,” sabi ni Speaker Romualdez sa mga dumalo sa IPU


Mahalaga aniya ang science, technology at innovation sa pagtugon sa mga isyu na hinaharap ng mga maunlan at papaunlad pa lang na mga bansa.


“The complementary, interdependent nature of these three different concepts means that they must be considered as one: together. Science, technology and innovation serve as our guiding lights of hope,” sabi pa niya.


“They are our tools in addressing some of the most pressing issues we have today. They support us in achieving our sustainable development goals and in shaping future peace. They hold vast potentials to form and drive global solutions to the world's problems,” sabi niya.


They are also “key drivers that enable and accelerate the global transformation towards prosperous, inclusive and environmentally sustainable economies in developing and developed countries alike.  They are the pillars of sustainable development,” dagdag pa ng lider ng Kamara.


“They have the strong potential to contribute to the achievement of almost all the sustainable development goals. They are the heart of international cooperation and global partnerships for development,” giit niya.


Nanawagan ang Speaker ng pangdaigdigang kooperasyon para makamit ang mga magkakatulad na mithiin ng iba’t ibang bansa.


“As we continue to work for our respective nations’ sustainable development ambitions, we need as well to work hand in hand to achieve our common global goals. Let me then urge each one of us to foster collaboration, equity and responsibility. It is through this collaboration that we can harness the technological tools to be able to build a future not only more sustainable but more peaceful,” sabi pa nito.


Paghimok pa niya sa mga kasamahan na “take advantage of this potential of science technology and innovation and utilize them fully and responsibly to be able to address the challenges in these modern times.”  


“Let us ensure that innovations and technological advancements are accessible to all. Let us unite together and continue to cooperate for the betterment of the world we live in,” sabi pa niya.


Nakatuon ang limang araw na pulong ng IPU sa temang, “Harnessing Science, Technology and Innovation for a More Peaceful and Sustainable Future.” (END)


—————————-


Ebidensyang nakuha ng House quad comm laban kina Bato, Bong Go hindi kayang masira ng pagtanggi


Hindi umano magigiba ng simpleng pagtanggi nina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go ang mga ebidensyang lumutang sa pagdinig ng House quad committee na nagkaroon ng reward system sa pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya marami ang naging biktima ng extrajudicial killings (EJK).


Ito ang binigyan diin nina Reps. Dan Fernandez ng Sta. Rosa City, Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, at Bienvenido Abante Jr. ng Maynila, ang mga pangunahing pinuno ng quad committee ng Kamara de Representantes.


Kasalukuyang iniimbestigahan ng panel ang mga isyu kaugnay ng mga EJK, ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGOs), at kalakalan ng droga.


“The evidence so far unearthed in the Quad Comm belies Senators Bato’s and Bong Go’s denials of EJK involvement and existence of the reward system that was public knowledge during the previous administration, particularly in the Philippine National Police (PNP),” ayon kay Fernandez, Chair ng House Committee on Public Order and Safety.


Sinabi pa ni Fernandez na dalawang testigo— sina ret. Police colonel at dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma at PNP Lt. Col. Jovie Espenido na may umiiral pagbibigay ng pabuya sa mga hitman na pumapatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.


“Not only did it exist; it was managed by higher-ups, meaning by Malacañang (Duterte administration),” ayon kay Fernandez.


Binanggit naman ni Barbers, overall chairperson ng Quad Comm at chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang testimonya ni Espenido na milyun-milyon, at maaaring bilyon-bilyong pabuya ang 'nagmula sa level ni Sen. Bong Go, ang malapit na aide ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Ayon kay Barbers, base na rin sa testimonya ni Espenido, ang pondo para sa reward system ay galing sa jueteng at iba pang ilegal na sugal, intelligence funds, operasyon ng small-town lottery (STL) ng PCSO, at mga Philippine offshore gambling operators (POGO). 


“Our impression is that the intelligence funds came from the Office of the President and the PNP. When these funds are audited, we will find out who is telling the truth or lying: Sen. Bato and Sen. Bong Go, or Garma and Espenido,” saad ni Barbers.


Ayon pa kay Barbers mas pinaniniwalaan niya ang dalawang testigo kaysa sa pagtanggi nina Dela Rosa at Go


Sa kaso ng pondo mula sa POGO, jueteng, at mga operator ng STL, binigyang-diin ni Abante, co-chair at pinuno ng House Committee on Human Rights, na dumaloy ang mga pondo mula sa itaas.


Binanggit ni Abante na ang mga testimonya ay nagpapatunay na noong 2016 ay gumawa ng plano para maipatupad ang Davao model, o ang disenyo ng kampanya laban sa iligal na droga na ipinatupad ni Duterte sa Davao City noong ito ang alkalde ng lungsod.


Nagkita-kita rin umano si Duterte at ang mga senior officials ng PNP noon sa gusali ng DPWH sa Davao City.


“The Davao City EJK template and reward system was discussed during the meeting. A few weeks later, the assassination of drug suspects in police operations and by riding-in-tandem hired guns started. It is not difficult to connect the dots,” giit ni Abante.  (END)


————————-


Garma: CIDG-11 nagsilbing pugad sa kampanya kontra droga ni Duterte


Ang task force na pinamumunuan ni retired Police Colonel Edilberto Leonardo, na nakabase sa regional office ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City, ang naging pangunahing pugad sa reward system ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte, batay sa mga pahayag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma.


Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Quad Committee ng Kamara de Representantes, ipinaliwanag ni Garma kung paano ginamit ang reward system na nagmistulang insentibo sa pagpatay sa mga hinihinalang drug suspects, kaya mas minamabuti ng mga pulis na patayin ang mga suspek kaysa arestuhin ang mga ito.


Ibinunyag ni Garma, na isa ring retiradong pulis at kilalang malapit kay Duterte, na ang kontrobersyal na kampanya laban sa droga ay isinagawa sa ilalim ng direktang utos ng dating Pangulo, kung saan ang kanyang kaibigan na sina Senador Christopher “Bong” Go, at si Leonardo ang may pangunahing papel sa pagpapatupad nito.


Si Leonardo, na noon ay hepe ng CIDG Region 11, ay bumuo ng isang grupo ng mga pinagkakatiwalaang operatiba upang isagawa ang drug war operations, na ibinatay sa tinaguriang “Davao Model” na ginamit noong panahon ni Duterte bilang alkalde ng lungsod—isang sistema na nagbibigay ng gantimpala sa mga pulis na pumapatay ng mga hinihinalang drug suspects.


Ang grupong ito ay binubuo nina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, Michael Palma, at Lester Berganio.


“Rommel Bactat, Rodel Cerbo, and Michael Palma were all former police officers stationed at the CIDG 11 Office,” ayon pa sa affidavit ni Garma. 


“They were discharged from service on or about a year ago due to an operation that led to the killing of one individual,” dagdag niya.


Ayon kay Garma, ang mga operatibang ito ay inatasan na mangalap ng impormasyon tungkol sa mga hinihinalang sangkot sa droga at iulat tungkol sa mga pag-aresto at pagpatay.


Ang mga ulat na ito ay pinangangasiwaan ni Berganio, na may hawak ng detalyadong listahan ng mga taong sangkot sa droga sa bansa.


Ang mga impormasyong ito ay isusumite kay Leonardo, na siyang magpapasya sa “antas” ng operasyon at magtatalaga ng kaukulang halaga ng “reward”.


“Rewards were only given for killings, while for arrests, only the funding of the COPLAN and a refund for the expenses was given,” paliwanag pa ni Garma, na tumutukoy sa operasyon.


Sa naging pagdinig noong Biyernes, sinabi ni Garma sa Quad Committee na bagaman hindi niya alam ang eksaktong halaga ng mga reward money sa antas ng target, naglalaro umano ang presyo nito mula P20,000 hanggang P1 milyon.


Ang mahalagang bahagi ng testimonya ni Garma ay nakasentro sa financial operations na sumusuporta sa mga aktibidad ng task force na pinapangunahan ni Leonardo.


Ibinunyag pa niya na si Peter Parungo, na dating nakulong sa kasong panggagahasa, ang namahala sa mga financial transaction na may kaugnayan sa task force.


Lahat ng pondo para sa COPLAN, mga reimbursement para sa mga gastusin sa operasyon, at mga reward para sa mga ahente ay dumadaan sa mga account ni Parungo sa mga pangunahing bangko sa Pilipinas.


“All COPLAN funds, refunds for operational expenses, and rewards for agents were processed through the bank accounts of Peter Parungo at Metrobank, BDO, and PS Bank,” ayon kay Garma.


Habang si Parungo ang namahala sa usaping pinansyal, si Berganio naman ang namamahala sa listahan ng mga taong sangkot sa droga, tinitiyak na ang impormasyon mula sa mga pulis ay maayos na naitala at naipapasa kay Leonardo para sa mga pinal na desisyon.


Binigyang-diin din sa testimonya ni Garma ang mga koneksyon sa pagitan ng kampanya kontra-droga at mga operasyon sa Bureau of Corrections (BuCor), kung saan nakakulong ang ilan sa mga pinaka kilalang drug lord sa bansa.


“I was informed that the drug structure originated from BuCor, where numerous drug lords are currently incarcerated, and that it has three branches—Luzon, Visayas, and Mindanao—with Peter Lim involved in the Visayas region,” ayon kay Garma.


Ang impormasyong ito ang nagsisilbing batayan ng operasyon ng task force, na nakatuon sa mga high-value target na sangkot sa iligal na kalakalan ng droga.


Ang task force ay hindi lamang nagpatupad sa ground operation kundi nagkaroon din ng direktang koneksyon sa mga mataas na opisyal ng gobyerno.


Ayon pa sa testimonya ni Garma, si Leonardo ay regular na nagbibigay ng briefing sa mga mataas na opisyal, kabilang ang mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).


Higit sa lahat, anumang pagpatay na naganap sa operasyon ay direktang iniuulat kay Go, na noon ay ang Special Assistant to the President.


“Leonardo conducted briefings for all PDEA, IG (Intelligence Group), Regional Directors, and PNP Chiefs regarding operations,” paliwanag ni Garma. “Additionally, if any individual died during police operations, Leonardo reported the incident to Bong Go for inclusion in his weekly report and requests for refunds of operational expenses.”


Dagdag pa sa sinumpaang salaysay ni Garma, inihayag na si Leonardo ay may ganap na kontrol sa listahan ng mga personalidad na sangkot sa droga na tinarget ng task force. 


Ayon sa kanya, si Leonardo ang may kapangyarihang magpasya kung sino ang isasama sa listahan, tukuyin ang antas ng banta, at alisin ang mga indibidwal mula sa listahan kung kinakailangan.


Sa unang bahagi ng kanyang salaysay, ikinuwento ni Garma na noong Mayo 2016, pagkatapos manumpa ni Duterte bilang pangulo, inatasan siya na maghanap ng isang opisyal ng PNP na manguna sa nationwide implementation ng giyera laban sa droga.


Sinabi ni Garma, na inirekomenda niya ang kanyang upperclassman na si Leonardo, na naging pangunahing tauhan sa pag-oorganisa ng malawakang kampanya laban sa droga.


Pagkatapos magretiro ni Leonardo sa PNP, itinalaga siya ni Duterte bilang Undersecretary sa Department of Environment and Natural Resources at pagkatapos ay bilang Commissioner ng National Police Commission (Napolcom).


Samantala, ipinaabot naman ni Napolcom Vice Chair Alberto Bernardo sa Quad Committee sa pagdinig noong Biyernes na si Leonardo ay nag-resign bilang Napolcom commissioner sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng extrajudicial killings. (END)

——————————


Quad Comm kay Garma: Isiwalat ang lahat ng nalalaman


Si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ba ang nag-utos na patayin si Ret. General Barayuga?


Ito ang isa sa mga tanong ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na nais nilang sagutin ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, na nauna ng nagsabi na binibigyan ng reward ang mga pulis na nakapatay ng drug suspect.


Kaugnay nito, hinimok ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. co-chair ng joint panel at chairman ng House Committee on Human Rights si Garma na ilantad na ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa extrajudicial killings at tukuyin kung sino ang nag-utos ng mga pagpatay, sino ang nagsagawa sa mga utos, at sino-sino ang lahat ng mga sangkot.


“Retired Colonel Garma’s explosive testimony last Friday linking former President Duterte and his close aide Sen. Lawrence ‘Bong’ Go to extrajudicial killings during the previous administration could be just the tip of the iceberg. This is just the beginning of a deeper inquiry into a more alarming issue: the alleged participation of higher officials in EJKs. There is much more to uncover, and we are committed to getting to the bottom of these serious allegations," ayon sa mambabatas.


Pagtitiyak pa ni Abante, hindi titigil ang Quad Comm hangga’t hindi lumalabas ang buong katotohanan dahil ang usapin dito ay tungkol sa pananagutan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.


“As she has declared, the truth will set her free. We welcome such a declaration, and we hope she would begin to tell the whole truth and nothing but the truth. She should not cover up the sins of her former superiors, the former president included,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Maynila.


Interesado naman si Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng Quad Comm na malaman kung ang utos na patayin ang retiradong heneral ng pulisya at board secretary ng PCSO na si Wesley Barayuga noong Hulyo 2020 ay galing kay Garma o kay Duterte. 


Batay sa mga lumabas na impormasyon si Garma ang itinuturo ni retired police colonel at National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo na pinanggalingan ng reward money at impormasyon upamg matukoy ang lokasyon ni Barayuga at maging madali ang pagpatay.


Si Leonardo ay upperclassman ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA)


Nauna ng inihayag ni Lt. Col. Santie Mendoza, isa ring PNPA graduate, sa Quad Comm na kinontak siya ni Leonardo upang planuhin ang pagpatay kay Barayuga.


Sinabi ni Mendoza na inutusan niya ang kaniyang civilian drug informant na si Nelson Mariano na maghanap ng killer, na nakipag-uganayan naman sa isang nagnganglaang “Loloy” na siyang nagsagawa ng pagpatay kay Barayuga.


Sa araw ng mismong pagpatay, sinabi ni Mariano na nakatanggap siya ng real-time update tungkol sa galaw ni Barayuga na pumasok sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.


Kabilang sa nakuhang update ay isang litrato ng yumaong board secretary ng PCSO na umano’y kuha ni Garma habang nasa board meeting, pati na rin ang mga detalye ng sasakyang gagamitin ni Barayuga.


Ang impormasyon ay ipinadala ng isang alyas “Toks,” na umano’y close aid ni Garma. Ayon pa kay Mariano, si Toks din ang nagbigay sa kanya ng P300,000 bayad para sa kanilang operasyon.


Ang retiradong opisyal ay tinambangan hindi kalayuan sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.


“We want retired Col. Garma to comment on the detailed testimonies of Lt. Colonel Mendoza and Mr. Mariano, and of course on other EJK cases,” ayon kay Barbers.


Dahil itinanggi ni Garma ang anumang kaugnayan sa pagpatay kay Barayuga, sinabi ni Barbers na dapat nitong sabihin kung sino ba ang nag-utos nito.


“She should also tell us what she knows about the murder of three Chinese drug lords inside the Davao prison in August 2016. She has been implicated by at least three witnesses,” ayon kay Barbers.


Sinabi pa ni Barbers na interesado rin ang joint panel sa iba pang nalalaman ni Garma hinggil sa iba pang kaso ng EJK. (END)


—————————


Staff ni Bong Go isinabit ni Garma sa pagbibigay ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspect



Idinawit ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma ang isang staff ni Sen. Christopher “Bong” Go na siya umanong pinanggagalingan ng pera na ibinibigay na reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspect ng ipatupad ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Sa sinumpaang salaysay ni Garma na kanyang binasa sa pagdinig ng House Quad Committee noong Biyernes, nabanggit nito ang isang Muking o Moking na tumawag sa kanya upang hingin ang numero ni noon ay Police Col. Edilberto Leonardo, ang kinuha upang pangunahan ang pagpapatupad ng war on drugs campaign.


Ayon kay Garma si Muking ay si Irmina Espino na naging tauhan ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte ang alkalde ng lungsod. Nagtrabaho rin umano ito bilang Assistant Secretary ng si Go ay maging Special Assistant to the President noong nasa Malacañang na si Duterte.


Isiniwalat ni Garma na nakatatanggap ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspects at nababawi ng mga pulis ang kanilang gastos sa operasyon kapag nakapagsampa ng kaso sa korte laban sa mga drug suspect.


Ikinuwento ni Garma na kinausap siya ni Duterte noong 2016 upang maghanap ng pulis na mangunguna sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at si Leonardo, na kanyang upperclassmen sa PNP Academy ang kanyang ibinigay na pangalan.


“On the same day, a certain individual named ‘Muking’ contacted me by phone to request Leonardo’s contact details, which I promptly provided,” sabi ni Garma.


Sa pag-usisa ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez kinumpirma ni Garma na si Muking ay si Espino.


Nagmosyon si Fernandez na ipatawag ng komite si Muking na inaprubahan ng overall chairman ng quad committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.


“Comsec (Committee Secretariat), please coordinate with the PMS (Presidential Management Staff) and invite the name Muking,” atas ni Barbers.


Ayon kay Garma si Espino ang nagpapadala ng pera kay Peter Parungo, isang non-PNP personnel na siyang namamahala sa pondo na ibinibigay na reward sa mga pulis at pambayad sa kanilang mga gastusin sa operasyon.


Kuwento ni Garma, minsan ay nakita nito na nagkakamot ng ulo si Parungo at nang kanyang usisain ay dahil may pangamba ito na siya ay masita ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).


“Naku ma’am baka ma-AMLC na ako kasi every week malalaking amount pumapasok,” sabi ni Parungo kay Garma.


“That’s where I learned na siya (Parungo) pala ang pinupuntahan ng pera (na nanggagaling kay Espino),” dagdag pa ni Garma.


Si Parungo ay mayroon umanong account sa Metrobank, BDO, at PS Bank.


Binigyan-diin ni Barbers ang kahalagahan na sundan ang money trail at inatasan na ang komite na makipag-ugnayan sa AMLC para matukoy ang pinuntahan at pinaggamitan ng naturang mga pondo.


“Kung ipapahanap natin sa AMLA ang financial transaction sa tatlong bangko na binabanggit, malaki ang pera doon,” ani Barbers.


Ang quad committee ay nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kaugnayan ng iligal na Philippine offshore and gaming operators (POGO), sa kalakalan ng iligal na droga, at extrajudicial killings nang ipatupad ang giyera kontra iligal na droga ni Duterte. (END)


—————————


BPSF tinulungan 15,000 benepisyaryo mula sa industriya ng paglikha



Mahigit 15,000 benepisyaryo sa industriya ng paglikha ang binigyan ng cash assistance at iba pang serbisyo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.


Nagkakahalaga ng P75 milyon ang tulong na hatid ng BPSF, isang inisyatiba ni Speaker  Ferdinand Martin G. Romualdez.


Ang dalawang araw na event na may paksang “Paglinang sa Industriya ng Paglikha” ay sinimulan sa pamamagitan ng isang programa sa PhilSports Arena (ULTRA) sa Pasig City. Layunin ng programa na tulungan ang mga propesyunal sa iba’t ibang sektor gaya ng pelikula, telebisyon, teatro, at radyo.


Ang BPSF ay nakapaghatid na P10 bilyong halaga ng cash assistance at mga serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa may 2.5 milyong pamilya sa 24 na lugar.


"Ang BPSF ay isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na may layuning matulungan ang bawat sektor ng ating lipunan, kabilang ang mga nasa creative industry. Ipinapakita nito na hindi natin nakakalimutan ng pamahalaan ang ating mga manggagawa sa larangan ng sining at media,” ani Speaker Romualdez sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo.


Kabilang sa mga nagpaabot ng kanilang mensahe sa pagtitipon sina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, Pasig City Rep. Roman Romulo, Quezon City Rep. Arjo Atayde, Quezon City Rep. Franz Pumaren, Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, journalist Jing Castañeda at mga kinatawan mula sa Film Academy of the Philippines, Film Development Council of the Philippines, Mowelfund Film Institute at Metro Manila Film Festival.


Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr. nagkakahalaga ng P5,000 cash aid ang matatanggap ng bawat kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Umaabot naman sa kabuuang 75,000 kilo ng bigas ang ipinamahagi ni Speaker Romualdez, na kilala sa tawag na “Mr. Rice.” Tig-limang kilo ang matatanggap ng bawat benepisyaryo.


Idinagdag ni Gabonada na ang financial assistance program ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon na tulungan ang mga propesyonal na Pilipino sa iba’t ibang sektor.


Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ni Gabonada na layunin din ng BPSF na bigyan ng kasanayan at kaalaman ang mga nasa industriya ng sining sa pamamagitan ng iba’t ibang mga sesyon ng pagsasanay at mga workshop na nakatuon sa industriya.


Ang mga workshop na ito ay dinisenyo upang paunlarin ang kasanayan sa sining, media, at entertainment, na nagpapalqkas sa mga kalahok na mag-innovate at magtagumpay sa kanilang mga larangan.

Nakiisa sa event ang 23 ahensya ng gobyerno na may dalang mahigit 100 serbisyo tulad ng mga aplikasyon para sa permit, lisensya, at serbisyong pangkalusugan, na mahalaga para sa mga propesyonal sa industriya ng sining.


“Sa bawat serbisyong hatid ng BPSF, layunin nating gawing mas madali at abot-kamay ang mga oportunidad para sa ating mga manggagawa sa creative sector,” ayon kay Speaker Romualdez.


Ang serbisyo fair ay nagbukas din ng pagkakataon para sa mga propesyonal sa industriya na makipag-ugnayan, magbahagi ng mga ideya, at maghanap ng mga bagong proyekto na maaaring magdulot ng mas mataas na inobasyon sa sektor ng paglikha.


Ang mga training program mula sa mga ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ay kasama sa inisyatiba upang matiyak na ang mga benepisyaryo ay may tamang kasanayan upang magtagumpay sa kanilang mga propesyon.


Bukod dito, itinuturo ng BPSF ang kahalagahan ng pagpapalawak ng suporta para sa sining at media na nakahanay sa layunin ng administrasyong Marcos na itaguyod ang patuloy na pag-unlad sa lahat ng sektor.


"Nandito ang ating gobyerno para siguraduhing may sapat na suporta at oportunidad para sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa mga nasa creative industry," ayon kay Speaker Romualdez.


Ang serbisyo fair ay nagtatampok din ng mga workshop sa kultura at sining, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kalahok na paunlarin ang kanilang kasanayan sa sining, media, at entertainment. Sa mga sesyong ito, layunin ng programa na lumikha ng mas malakas na ecosystem ng sining na magtataguyod ng paglago ng ekonomiya at mag-aambag sa pagkakakilanlan ng kultura ng bansa.


Bilang karagdagan sa tulong pinansyal, nakikipagtulungan ang BPSF sa mga industry stakeholders upang magdaos ng mga job fair at mga programang sumusuporta sa industriya na nakatuon sa mga partikular na pangangailangan ng mga propesyonal sa sektor ng sining.


Ang pangunahing layunin ng event ay magbigay ng isang pangkabuuang paraan upang itaguyod ang industriya ng sining sa pamamagitan ng pagtiyak na ang lahat ng mapagkukunan at oportunidad ay magagamit ng mga miyembro nito.


Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang pag-asa na ang mga inisyatibong inilunsad sa ilalim ng BPSF ay magiging daan para sa pangmatagalang benepisyo para sa industriya ng sining.


“Naniniwala ako na ang mga programa ng BPSF ay magbibigay-daan sa mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan sa creative sector, at magdudulot ng mas matatag na kinabukasan para sa kanila," saad pa nito. (END)


————————-


Pasabog ni Garma sa tambalang Duterte-Bong Go, ‘tip of the iceberg’ pa lang- Young Guns



Naniniwala ang dalawang miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes na "tip of the iceberg" pa lang ang naging pasabog ni Ret. PCol Royina Garma kaugnay ng pagbibigay ng reward nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at dati nitong presidential assistant at ngayo’y senador na si Christopher “Bong” Go sa mga pulis na pumapatay sa mga pinaghihinalaang adik at pusher noong nakaraang administrasyon.


Ayon kina Reps. Jefferson “Jay” Khonghun at Francisco Paolo Ortega V maaaring patikim pa lamang ang mga naging rebelasyon ni Garma, na itinalaga ni Duterte bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos ang maaga nitong pagreretiro sa Philippine National Police (PNP).


Kumbinsido sina Khonghun at Ortega na maraming alam si Garma kaugnay ng pagpapatupad ng Davao model ng anti-illegal drug war.


“Mind you, it’s just the tip of the iceberg – so to speak. It comes from the perspective of an insider who has not just the trust and confidence, or the eyes and ears of the former president, but even beyond that,” ayon kay Khonghun, kinatawan ng unang Distrito ng Zambales. 


“So, this is not something that cannot be easily ignored. This testimony definitely carries with it much credibility, most especially if other witnesses, including documentary evidence, will corroborate whatever Garma may have to say as a matter of public record,” dagdag pa nito. 


Ayon naman kay Ortega, ang kinatawan ng Unang Distrito ng La Union, ang pagbubunyag na ginawa ni Garma sa Quad Comm noong Biyernes ng gabi ay simula pa lamang ng mas malalim at mas nakababahalang isyu ukol sa kung paano isinagawa ang mga extra-judicial killings ng administrasyong Duterte.


“Please take note that Garma’s explosive testimony before us involves not just hundreds, but thousands of lives lost to drug operations where even innocent children and teenagers were killed – all in the guise of combatting the drug menace in the streets,” saad pa nito.  


“There is much more to uncover, and we are committed to getting to the bottom of these serious allegations. The Quad Comm will not stop until all the facts are laid bare because this is about accountability,” pagdidiin pa ni Ortega.(END)

—————————


Kerwin Espinosa naniniwala na si Duterte ang nag-utos na paslangin ang kanyang ama


Naniniwala ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na patayin ang kanyang tatay na si Albuera Mayor Rolando Espinosa habang ito ay nasa loob ng kulungan noong 2016.


Sa ikawalong pagdinig ng House Quad Committee, tinanong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si Espinosa kung sino sa palagay nito ang nagpapatay sa kanyang ama.


“Palagay mo, sino ang nag-utos para ipapatay ang papa mo?” tanong ni Abante.


Sagot naman ni Espinosa, “Tayong mga Pilipino, nakita natin sa TV na ang dating presidente nagsasabi na patayin niya lahat ng mga nasa narco-list. So pagkaintindi ko, siya talaga ang nag-utos na patayin ang papa ko.”


Sunod na tanong ni Abante, “So naniniwala ka na ang dating pangulo ang nag-utos na ipapatay ang iyong tatay?”


Sagot ni Espinosa “Opo Mr. Chair.”


Iniugnay sa bentahan ng iligal na droga si Mayor Espinosa na pinaslang sa isang operasyon ng pulis sa loob ng kulungan noong Nobyembre 5, 2016. Sumuko si Mayor Espinosa matapos na magbanta si Duterte na magiging target ito kung hindi susuko.


Ayon kay Espinosa ang kanilang pamilya ay biktima ng extrajudicial killing (EJK) at pinilit at tinakot umano siya ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa upang isabit si dating Sen. Leila de Lima sa kalakalan ng droga.


“Sinabihan ako ni Bato na may basbas ‘yan sa taas at ang ibig sabihin nito ay alam ito ni Presidente Rodrigo Duterte,” sabi ni Espinosa sa apat na pahinang sworn affidavit na binasa nito sa pagdinig.


Direktang tinanong ni Abante si Espinosa kung si Dela Rosa ang nag-utos at nagsabi sa kanya kung ano ang sasabihin nito sa Senado.


“Exactly your Honor, siya talaga ang nag-utos sa akin at nagplano kung ano ang mga sasabihin ko sa Senado,” sabi ni Espinosa.


Sunod na tanong ni Abante kung sino kaya ang nag-utos kay Dela Rosa.


“Ang nakakataas kay Gen. Bato, sa palagay ko, sa aking pagka-intindi, walang iba kung hindi presidente na lang ang pinaka-mataas na pwedeng mag-utos sa kanya,” paliwanag ni Espinosa.


Sinabi ni Espinosa na inabuso ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan at itrinato ang mga drug suspek na parang mga hayop.


“Inabuso ang kanilang uniporme… parang mga hayop na lang ang tingin nila sa mga drug-related,” sabi ni Espinosa.


Ganito rin ang isinagot ni Espinosa sa pagtatanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.


Bagamat hindi umano direktang sinabi ni Dela Rosa na si Duterte ang nagpapatay sa kanyang ama, sinabi umano nito na mayroong basbas ito mula sa taas.


“Ayon sa sarili kong pagkaintindi, galing kay Chief PNP at kung sino pa ang mas mataas na level kay Chief PNP, doon galing kay Presidente,” ani Espinosa.


Sinabi ni Espinosa na paulit-ulit ding nagbabanta si Duterte na papatayin ang mga drug suspek.


Ayon kay Espinosa natakot din siya sa banta papatayin siya o ang kanyang pamilya kung hinid susunod sa kanilang plano.


“Ang naramdaman ko noon ay takot na ako ay isunod nilang patayin,” pag-amin ni Espinosa.


Kapwa itinanggi nina Duterte at Dela Rosa na mayroon silang direktang kaugnayan sa mga pagpatay. (END)

No comments:

Post a Comment