Friday, September 9, 2022

SUBSTITUTE BILL NA NAGPAPALIBAN SA HALALANG BARANGAY AT SK, INIHABOL NG KOMITE NG APPROPRIATIONS

Inaprubahan ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO Bicol) ang substitute bill na nagpapaliban sa Disyembre 2022 halalang Barangay at Sanguniang Kabataan (SK) sa ika-1 ng Disyembre 2023. Pinalitan ng substitute bill ang 41 panukala na iniakda ng 75 mambabatas. 


Ang pag-apruba ay isinagawa sa idinaos na pagpupulong na pinangunahan ni Committee Vice Chairman Rep. Ruel Peter Gonzaga (2nd District, Davao de Oro). 


Sa kanyang sponsorship remarks, sinabi ni Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Rep. Maximo Dalog Jr. (Lone District, Mountain Province) na ang halalan sa Disyembre 2022 ay kulang na sa 100 araw na lamang, at nangangailangan ang Comelec ng malinaw na direksyon mula sa Kapulungan, hinggil sa magkasabay na halalang Barangay at SK. 


Ayon sa kanya, ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming Pilipino na makapagparehistro bilang mga botante sa pinalawig na rehistrasyon ng mga botante, kabilang na ang pahintulot sa pamahalaan na maiwasto ang hakbangin hinggil sa mga honoraria ng mga poll workers, na ang kanilang sinasahod ay sumasailalim pa rin sa buwis. 


Bilang sagot sa tanong ni Rep. Elpidio Barzaga (4th District, Cavite) kung gaano kalaking pondo ang kailangan para sa magkasabay na halalan, sinagot ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na mangangailangan ang ahensya ng P8.441-bilyon kung itutuloy ang halalan ngayong taon. 


Ayon sa kanya, ang Comelec ay may natipid na P7.583-bilyon na maaaring magamit sa tuloy-tuloy na appropriation para sa susunod na taon. 


Samantala, binanggit ni Garcia na ang Comelec ay mangangailangan ng P17.93-bilyon kapag ang halalan ay itatakda sa Mayo 2023. 


Subalit dahil may natipid na P7.5-bilyon, ay mangangailangan na lamang ng karagdagang P9.51-bilyon. 


Panghuli, kapag ang halalan ay itinakda sa Disyembre 2023, mangangailangan ang Comelec ng P18.44-bilyon. 


Kapag ibinawas ang natipid na P7.5-bilyon, mangangailangan lamang ito ng karagdagang alokasyon na P10.85-bilyon. 

No comments:

Post a Comment