Tinapos na ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang kanilang deliberasyon sa panukalang badyet ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga sangay nitong ahensya.
Ang panukalang badyet ng DTI para sa Piskal na Taong 2023 ay P19.998-bilyon, siyam na porsyentong mas mababa sa kasalukuyan nitong badyet.
Inilahad ni DTI Secretary Alfredo Pascual sa Komite ang mga prayoridad na bumubuo sa badyet ng ahensya sa susunod na taon.
Aniya, tututukan ng departamento ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) para mapanatili ang momentum ng paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi rin niya na sasamantalahin ng ahensya ang mga pagkakataon para sa pagbabagong pang-ekonomiya sanhi ng pandemya dulot ng COVID-19, ang Fourth Industrial Revolution o Industry 4.0, at pagbabago ng klima.
“Our new industrial policy would be driven by science, technology and innovation, as well as digital technologies to compete in global and domestic markets,” ani Pascual.
Gayunpaman, sinabi ni Appropriations Committee Vice-Chairperson at Pangasinan Rep. Christopher De Venecia, na ang binawasang badyet ng ahensya ay lubhang nakakaalarma lalo na sa pagpapalakas ng pagbangon ng MSME pagkatapos ng pandemya.
Nagtanong naman si Albay Rep. Edcel Lagman kung paano paplanuhin ng DTI na makamit ang pagpapaunlad ng MSME gayung mas mababa ang kanilang badyet kumpara sa kasalukuyan nilang badyet na P21.94-bilyon.
Sinabi ni Pascual na makikipagtulungan ang ahensya sa pribadong sektor partikular sa Public-Private Partnership (PPP) kung hindi madagdagan ang kanilang badyet.
“But it would be ideal if we could get funding to be added for the support of our MSMEs so we can accelerate the work we’re doing in upskilling, re-skilling and upscaling our small businesses,” dagdag niya.
Binanggit din ni DTI Undersecretary Ireneo Vismonte na ang kapuna-punang pagbawas sa badyet ng DTI-Office of the Secretary (OSEC) ay makakaapekto sa pagtulong sa MSME, partikular ang P1.3-bilyong livelihood seeding program.
Ang pagdinig ay itinaguyod nina Appropriations Committee Vice-chairpersons De Venecia at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong.
No comments:
Post a Comment