Mga Katropa, pamilyar ba kayo sa mga kalakaran ng isang Multi Level Marketing na modus?
Ganito kasi ang pagpapatakbo noon, may isang produkto na sasabihin na ibenta mo para bigyan ka ng mas malaking kita at magkakaroon ka ng mas malaking reward o premyo o incentive.
Ang mangyayari niyan mga Katropa, magkakaroon ka ng quota para maabot mo yung kinakailangan na benta kaya mapipilitan ka kumuha ng downline paminsan. Mapipilitan ka magbenta sa mga produktong napakataaas ng halaga o mapipilitan ka kumuha ng mga downline mo kaya minsan mapapautang ka o uutang kasa upline mo.
Kung pamiliyar sa inyo ang ganitong raket sa mga investment scams, ito ay dahil naghuhugis pyramid ang itsura ng ganitong scam. Mas malaki ang kita ng nasa taas kung ikukumpara sa mga downline.
Ano ba ang pinagkaiba nito sa mga totoong kompanya na may sales at manufacturing? Dahil nga wala silang empleyado at dahil itong kompanya at sumasalalay sa mga downline nito para makabenta, tataasan ang mga insentibo o kita ng mga nasa downline.
Mapanganib ang ganitong modus dahil kapag umayaw ang downline o kapag nag cash out na ang nasa gitna ng isang nasa pyramid, gigiba ang istraktura ng kompanya at masisira ang daloy ng pera.
Masakit para sa mga sumasali dito lalo na ang mga nabibitin at mga nagpasok na ng kanilang mga pinaghirapan na pera. Ang tawag pa dito ng mga eksperto sa negosyo ay Kamada. Matapos sipsipin ang pondo, kahit sino pwede na iwan ang scam na ito dahil nakuha na ang mga insentibo.
Ilan beses na din nagpalabas ng advisory ang Securities Exchange Commission laban sa mga pyramiding scheme. Tulad ng isang herbal na kumpanya di umano noong 2020 kung saan sari-saring komisyon at bonus ang pinapangako para sa kanilang mga nire recruit hanggang sa umabot na di na kakayanin ang finances ng kumpanya at naiwan sa kangkungan ang mga tao lalo na nung mga downline.
Ngayon naman mga Katropa, mas may nakaka-alaramang sitwasyon dito pagdating sa medical industry natin. Baka naging biktima na kayo kaya ikwe kwento ko ang ginagawa ng isang pharma company na hindi muna natin papangalanan.
Ganito daw ang style ng pharma na ito, ipapa enganyo ang mga doktor para sumama sa isang aktibidad para ipaliwanag ang kanilang “marketing” para makabenta. Ang ituturo daw, kapag mas maraming mabenta na produkto, mas malaki ang rebate o balik sa kanila ng gagastusin para sa prescription at mas malaking kita sa mga doktor.
Parang may sistema o tracking sa pamamagitan ng automation ng mga prescription ng mga doktor.
Talamak daw ito sa mga cardiologist at mga senior consultant at hindi lang sa mga batang doktor. May isang inumin ang kanilang tinetesting ngayon para sa ganitong modus.
Ang gagawin paramihan ng prescription para maabot ang quota ng mga doktor na ito mga ka tropa. Isipin mo kapag doktor ka, nanumpa ka na ibibigay mo ang lahat para gumaling ang inyong pasyente.
Pero dahil sa scam na ito, doble doble ang preskripsyon para lang maabot ang quota. Sa madaling salita, kahit hindi kailangan ng isang pasyente ang produkto, ipipilit ito ng para makuha ng mga doktor ang pera at mga insentibo.
Baka nakakalimutan din ng kompanya at mga doktor na nagiging bahagi ng Multi Level Marketing sa prescription ay iligal at bawal ang mga ganitong modus at bukod pa dito, linalagay ninyo sa panganib ang buhay ng inyong mga pasyente!
Ang Chain Distribution ay iligal sa batas at habang maaga pa magandang matalakay ito para aware ang ating mga pulis at sundalo at iba pang law enforcers na nakikinig sa ating programa.
Babasahin ko lang ang sinasabi ng DTI tungkol dito sa mga modus.
“Article 53 of Republic Act 7394 or the Consumer Act of the Philippines clearly provides that Chain Distribution Plans or Pyramid Sales Schemes, such as deriving profits primarily or mainly from recruitment of participating members and not from the marketing and sales of products and services shall not be employed in the sale of consumer products.”
Dahil may produkto kayo at doble doble ang prescription na inyong binibigay sa mga pasyente na di naman kailangan, linoloko niyo ang mga tao at malala pa dito, pinipilit niyo pa bilhin ito sa pamamagitan ng panloloko. Aba eh mas malala pa kayo sa Pharmally!
Ito ang tatalakayin natin sa susunod na linggo mga Katropa! Abangan!