Upang makapamahagi ng balangkas para sa nag-iisa at sentralisadong diskarte sa pagpapatupad ng batas trapiko, iminungkahi ni Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez (Party-list, 1 RIDER) ang paglikha ang National Traffic Enforcement and Management Center o “Traffic Center,” bilang pangunahing ahensya na siyang mangangasiwa sa trapiko, kabilang na ang pagbalangkas at pag-apruba ng “No Contact Apprehension Policy.”
Sa House Bill 3410, o ang panukalang "Traffic Enforcement Centralization Act", isinusulong ni Gutierrez ang paglikha ng National Traffic Enforcement and Management Center o “Traffic Center.”
“The problem of traffic in this representation’s opinion warrants a body dedicated to traffic, and not merely an adjunct of the other bodies. National in scope, it is to supersede other jurisdictional traffic bodies, such as the Metro Manila Development Authority (MMDA) and the Local Government Unit enforcement arms, as well as unify their enforcement powers under one body. Under such proposed structure, traffic offense would be considered universal in scope and application,” ani Gutierrez.
Kanyang sinabi na ang Traffic Center ihihiwalay sa ibang mga ahensya, tulad ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), dahil ito ay magiging pangunahing ahensya na mangangasiwa sa mga polisiya ng trapiko, regulasyon at pagpapatupad nito, hindi katulad ng LTO at LTFRB na ang tungkulin ay sa mga usapin lamang ng rehistrasyon. Isa sa mga mahahalagang tampok ng panukala ay ang Section 15, na naglalatag ng mga prinsipyo ng “No Contact Apprehension Policy.”
Sinabi ni Gutierrez na ang polisiya ay ipapatupad sa pamamagitan ng mga karapatan sa due process at pantay na proteksyon ng mga batas, kabilang ang pagtalima sa mga sumusunod na regulasyon: 1) pagkakaroon ng dry run sa loob ng isang taon na ipapatupad sa isang covered area sa ilalim ng pangangasiwa ng Traffic Center; 2) lahat ng mga karatula at signages ng covered area ay dapat na malinaw at naiintindihan; 3) kagyat na notipikasyon ng umano’y paglabag ng isang motorista sa loob ng 24 na oras matapos ang insidente; 4) ang mabilis na akses ay nangangahulugan nang wastong kontak ng motorista at detalye ng rehistrasyon; 5) sa pinagtatalunang paghuli, ang adjudication ay pamamahalaan ng Traffic Center Adjudication Board; at 6) ang iba pang patakaran o mga kondisyon na maaaring itakda ng Traffic Center upang maprotektahan ang mga karapatan ng motorista.
Ang “No Contact Apprehension Policy” ay ipapatupad lamang sa ilang jurisdiction, kapag nakasunod sa mga kondisyong itinakda ng Traffic Center.
Ang hindi pagsunod sa anumang kondisyon na itinakda ng Traffic Center ay ipagbabawal ang paggamit ng “No Contact Apprehension Policy”, at ang manual na paghuli ng mga traffic enforcers ang ipaiiral. Ang Traffic Center ay magiging attached na ahensya sa Department of Transportation for policy and program coordination.
Upang epektibong maipatupad ang kanilang tungkulin, mag-iisyu ang Traffic Center ng sentralisadong listahan ng mga batas trapiko at mga paglabag, kabilang na ang pagsasanay sa lahat ng traffic officers at mga tauhan ng traffic enforcement, management, at ang pagsasagawa ng maayos na imbestigasyon sa mga aksidente.